96,102 total views
Sa pagpasok ng digital age, ang internet at social media ay naging makapangyarihang kasangkapan ng komunikasyon. Binuksan nito ang panibagong mundo sa ating lahat, at ginawang global citizens ang mga tao sa buong mundo. Ang isang click lamang natin ay malayo ang maabot sa Internet.
Ang internet kapanalig, ay naging katuwang na rin ng simbahan. Naging instrumento na rin natin ito ng pagbabahagi ng ebanghelyo sa mas maraming mga tao. Sa pamamagitan nito, mas maraming mamamayan ang nabibigyan ng pagkakataon na makilala ng mas malalim hindi lamang ang ating pananalig, kundi si Hesus Kristo. Ating napapalaganap ang pagmamahal ng Diyos sa mas maraming mga tao dahil sa internet.
Dati rati, kailangan nating magpadala ng mas maraming misyonero sa iba’t ibang lugar upang ibahagi ang buhay at pagmamahal ni Kristo. Ngayon, maari na tayong magturo ng katesismo at relihiyon sa pamamagitan ng Internet. Ang Bible studies natin ay hindi na lamang pisikal, kundi virtual na rin. Dahil dito, mas madali maglingkod sa Simbahan at mas marami rin ang naglilingkod. Ang mga social media platforms din, tulad ng Facebook, Instagram, at Twitter ay nagbigay ng pagkakataon para sa mga simbahan na magbahagi ng mga mensahe ng pag-asa at inspirasyon sa milyon-milyong Pilipino saan mang sulok ng bansa.
Dahil din sa Internet, hindi na tayo limitado sa oras at lugar pagdating sa pagbabahagi ng salita ng Diyos. Ang internet ay nagbibigay daan sa mas mabilis at mas malawakang pagpapalaganap ng mga online sermons, blogs, at videos na may temang pananampalataya. Maaaring mapanood o mabasa ng kahit sino ang mga sermon at pagtuturo ng ating simbahan. Sa tulong ng teknolohiya, maaaring maranasan ang kaharian ng Diyos kahit sa harap ng computer o cellphone.
Subalit, sa kabila ng mga positibong epekto, may mga hamon din na kaakibat ang paggamit ng internet sa evangelization. Ang pagkalat ng maling impormasyon at pagsusulong ng mapanlinlang na doktrina ay maaaring maganap sa online space. Kaya nga’t ang mga nagpapalaganap ng Ebanghelyo ay kailangan na maging mapanuri at maging handa na harapin ang mga hamon na ito.
Ang internet at evangelization sa Pilipinas ay magkasama sa paglalakbay patungo sa mas malawakang pag-unlad at pagpapalaganap ng mensahe ng pag-asa at pag-ibig. Bagamat mayroong mga pagsubok, ang paggamit ng Internet bilang kasangkapan para sa Ebanghelyo ay nagbibigay pagasang maaaring maabot natin ang puso at isipan ng mas maaring pa nating mga kababayan. Sabi nga sa Church and the Internet, mula sa Pontifical Council for Social Communications: It is important, too, that people at all levels of the Church use the Internet creatively to meet their responsibilities and help fulfill the Church’s mission. Hanging back timidly from fear of technology or for some other reason is not acceptable, in view of the very many positive possibilities of the Internet.
Sumainyo ang Katotohanan.