181 total views
Isa sa mga leksyon ng kasalukuyang pandemya na dapat nating bigyang atensyon ay ang mas mabigat na epekto at hamon sa mga hanay ng kababaihan.
Kapanalig, base sa mga datos ng World Health Organization, 70% ng health at social workforce ay kabahaihan. Malaking implikasyon ang sitwasyong ito sa kalidad ng buhay hindi lamang ng kanilang mga pamilya, kundi ng buhay ng sangkatauhan. Sa panahon ng pandemya, sila ang ating naging frontliners. Sa loob at sa labas ng tahanan, ang babae ang ating naging mga sandigan.
Sa loob ng tahanan, ang babae ang kumakarga na mas malaki at mas madaming domestic responsibilities. Sabay sa paghahanapbuhay, ang ating mga ina ang siya ring kumilos sa loob ng bahay, sabay sa pag-aalaga ng kanilang mga anak. Sa mga inang may mga anak na nag-aaral, sila rin ang naging guro at tutor ng mga bata.
Ito nga ang tinatawag na “second shift” – ang shift ng trabaho ng mga ina sa bahay matapos ang shift nila sa trabahong may bayad. Sa panahon ng pandemya, ang shift na ito ay nawalan na ng boundary, at sabay ng umagaw ng atensyon ng mga ina. Ang resulta, ibayong pagod at hamon sa kanilang mental health.
May mga pag-aaral nga na nagpapakita ngayon ng health toll ng pandemya sa kababaihan. May isang pag-aaral mula sa University of British Columbia sa 28,000 na kababaihan na nagsasabi na ang mga babaeng nakakaranas ng stress ng pandemya ay maaring dumanas din ng hypertension. May pag-aaral din mula sa Drexel University ang nakakita na ang mga kababaihan na nakakaranas ng stress sa trabaho, sa pakikisalamuha, at sa mga pangyayari sa buhay ay malaki ang risk na magkaroon ng coronary heart disease kumpara sa lalake.
Kapanalig, sa mata ng Diyos, tayo ay pantay-pantay. Ngunit bakit sa ating lipunan, tila mas mabigat ang dalahin ng kababaihan, lalo ngayong pandemya?
Tayong mga Filipino ay may kasabihan – “hating kapatid.” Sana ang kasabihang ito ay hindi lamang para sa hatian ng biyaya mula sa Diyos, kundi sa tungkulin at bahagi nating lahat sa lipunan. Ayon nga sa Gaudium et Spes, “God, who has a parent’s care for all of us, desired that all men and women should form one family and deal with each other as brothers and sisters.”
Sumainyo ang Katotohanan.