2,535 total views
Mga Kapanalig, hindi maikakailang malaki ang kontribusyon ng mga mangingisda sa ating food security. Sa kabila nito, isa sila sa pinakamahirap na sektor sa lipunan. Sa kasalukuyang krisis sa kalusugan, mga kalamidad na dala ng climate change, at kakulangan ng suporta mula sa pamahalaan, mas lumalalâ ang dinaranas nilang kahirapan. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (o PSA), negative 2.1% ang naging produksyon ng lokal na pangisdaan o municipal fishing. Mula sa 1.12 milyong metric tons, bumaba ito sa 1.10 milyong metric tons. Samantala, lumaki naman ang produksyon ng komersyal na pangisdaan o commercial fishing. Hindi na ito nakapagtataka dahil higit na mas lamáng ang mga kagamitan at barko ng komersyal na industriya ng pangingisda. Kaya mahalagang mas bigyang-pansin ang mga municipal fisherfolks o ang maliliit na mangingisda na silang mas bulnerable sa kahirapan.
Tandaan nating magkaugnay ang kalusugan ng mga nasa pamayanang umaasa sa pangingisda at ang kondisyon ng kanilang pangisdaan at ang kanilang fish catch o dami o liit ng huli nilang lamang-dagat. Ibig sabihin, kung sagana ang huli ng mga mangingisda, mas malusog ang mga tao sa mga komunidad, lalo na sa mga lugar na malapit sa baybayin—mga lugar kung saan ang kanilang ikinabubuhay ay nakasalalay sa karagatan.
Sa pag-aaral na isinagawa ng John J. Carroll Institute on Church and Social Issues at Rare Philippines, lumabas na paunti nang paunti ang huli ng mga mangingisda sa nakalipas na dalawang dekada. Dahil dito, naging mailap ang pangingisda bilang kabuhayan sa ilang mga probinsya. Pinalalâ pa ito ng kompetisyon sa mga commercial fishing vessels. At dahil patuloy din ang paggamit ng ilan ng iligal na pamamaraan ng pangingisda, nasira na ang yamang dagat, na nagresulta sa mas kaunting huli at mas kakarampot na kita. Ayon sa mga maliliit na mangingisda, naging banta sa kanilang huli at kabuhayan ang iligal na pangingisda ng mga commercial fishing vessels sa loob ng municipal waters. Nagdulot din ito ng malaking epekto sa kalusugan ng mga bakawan at pagkasira ng marine ecosystem.
Bagamat may eksklusibong karapatan sa 15 kilometrong katubigan mula sa coastline ang maliliit na mangingisda, dama pa rin nila ang pagkabawas ng kanilang huli at kita dahil hindi lubusang naipatutupad ang mga batas. Mayroon pang nakahain ngayong House Bill No. 7853 na magpapahintulot sa mga commercial fishing vessels na mangisda sa loob ng municipal waters. Patitindihin nito ang kompetisyon sa pagitan ng mga maliliit na mangingisda at mga fishing vessels na may kapasidad manghuli ng mas maraming isda. Misulang “tira-tira” na lamang ang maiiwan sa mga maliliit nating mangingisda. Kapag maisabatas ito, mababalewala ang ilang taáng pagsisikap ng mga lokal na mangingisda sa pagprotekta ng kanilang mga karagatan. Mawawalan ng saysay ang sama-samang pagpupursigi at sakripisyo ng maliliit na mangingisda na ibalik ang kanilang masaganang huli.
Malinaw sa Saligang Batas ng 1987 na tungkulin ng Estadong protektahan ang karapatan ng maliliit na mangingisda bilang mga may natatanging karapatang pakinabangan ang likas-yaman sa ating mga dagat. Sinasalamin nito ang sinasabi sa apostolic exhortation ni Pope Francis na Evangelii Gaudium na responsibilidad ng Estado na pangalagaan at itaguyod ang kabutihan ng lahat ng miyembro ng lipunan, kabilang ang mga mangingisda.
Mga Kapanalig, sa pagtalakay sa House Bill No. 7853, pakinggan nawa ng mga mambabatas ang hinaing at panawagan ng mga bulnerableng mangingisda. Mahalagang maging bahagi sila ng mga konsultasyon, at isaalang-alang ang kanilang mga rekomendasyon para sa tunay na rehabilitasyon ng karagatan at katiyakan natin sa pagkain. Mahalagang paalala sa ating mga pinuno ang nasasaad sa Mga Kawikaan 31:8-9: “Ipagtanggol ang mga ‘di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan… at igawad ang katarungan sa api at mahirap.”