57,828 total views
Mga Kapanalig, sa pamamagitan ng Proclamation No. 237 na nilagdaan ni dating Pangulong Corazon Aquino noong 1988, itinalaga ang buwan ng Hunyo bilang Philippine Environment Month. Layunin nitong itaas ang kaalaman ng mga Pilipino tungkol sa kalagayan ng ating kalikasan at hikayatin tayong magsama-samang kumilos upang pigilan ang pagkasira nito. Ang tema ng pagdiriwang sa taong ito ay “Protect Nature, Sustain our Future: #WeHealNature4OurFuture.” Sa pamamagitan ng temang ito, hangad ng pagdiriwang ng Philippine Environment Month na bigyang-diin ang malalim na ugnayan ng ating kalikasan at ng buhay ng tao, lalo na para sa ating hinaharap.
Hindi maikakailang labis na nating nadarama ang pagkasira ng kalikasan. Nitong mga nakaraang buwan, nakaranas tayo ng matinding init ng panahon. Kinansela ang mga klase at natuyot ang mga pananim. Nitong mga nakaraang linggo naman, biglang buhos ang malakas na ulan na nagdulot ng pagbaha sa ilang siyudad. Hindi na ito nakagugulat dahil hindi naman natin natutugunan—hindi lang ng Pilipinas kundi pati ng ibang bansa—ang pagtindi ng climate change. Muli, ang climate change ay dulot ng patuloy na pag-init ng mundo dahil sa greenhouse gas emissions. Batay sa pag-aaral na inilabas ng Natural Climate Change, 19 sa 34 na bansang inaral nila ang bigong maabot ang kanilang mas mababang emission targets.
Maganda naman ang katayuan ng Pilipinas sa Climate Change Performance Index (o CCPI) sa taong ito. Tinatasa ng CCPI ang mga tugon ng mga bansa sa climate change. Mula sa ika-12 puwesto ay umakyat sa ika-6 ang Pilipinas sa mahigit 60 na bansa. Gayunpaman, ayon sa mga eksperto ng CCPI, kulang pa rin ang mga estratehiya at patakaran ng pamahalaang Pilipinas para mapababa ang ating emissions katulad ng pag-phaseout ng fossil fuels. Hinihikayat din ng mga ekspertong mas makilahok ang Pilipinas sa panawagan sa mas malalaki at mauunlad na bansang lumipat sa malilinis na pagkukunan ng enerhiya o renewable energy sources.
Maliban sa mga ito, mayroon pang iba’t ibang isyung pangkalikasan sa bansa. Noong isang linggo lang, isinumite ng environmental groups ang kanilang petisyong nilagdaan ng halos sampung libong indibidwal na nanawagan sa administrasyong Marcos na protektahan ang Masungi, isang watershed at conservation area malapit dito sa Metro Manila. Kasunod ito ng plano ng DENR na tapusin na ang kasunduan nito sa Masungi Georeserve Foundation para pangunahan ang mga conservation efforts sa lugar. Nakatulong ang foundation sa reforestation ng dalawandaang ektaryang lupain sa Masungi. Mahalagang ambag ito, lalo pa’t ayon sa UN Convention to Combat Desertification and Drought, mahigit 14 milyong ektarya o halos kalahati ng total land area ng bansa ay degraded na.
Ilan lamang ang mga ito sa mga hamon sa kasalukyang kalagayan ng ating kalikasan. Bilang mga tagasunod ni Hesus, tungkulin nating protektahan ang ating kalikasan, hindi lamang para sa kasalukuyan, kundi para sa susunod na henerasyon. Katulad ng sinasabi sa Genesis 2:15, inilagay tayo ng Diyos sa hardin “upang ito’y pagyamanin at pangalagaan.” Sa kasamaang palad, bigo tayong gampanan ang tungkuling ito. Wika nga ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Laudate Deum, hindi na natin mapigilan ang malaking pinsalang idinulot natin sa kalikasan [at] sa katunayan, kakatiting na ang natitirang oras para pigilan ang mas matinding pagkasira nito.
Mga Kapanalig, sama-sama tayong kumilos at lakasan ang ating boses upang magkaroon ng kongkretong aksyon ang pamahalaan para pigilan ang pagtindi ng climate change. Dapat nang bilisan ang paglipat sa mas malilinis na pagkukunan ng enerhiya. Dapat pang paigtingin ang pagsalba sa ating mga kagubutan. Sa abot ng ating makakaya, mag-ambag din tayo para isalba ang ating mundo para sa atin sa mga susunod pang henerasyon.
Sumainyo ang katotohanan.