325 total views
Maraming mga Filipino ang nag-aalinlangan ngayon. Marami ang kinakabahan na sa patuloy na pagbagsak ng piso at sa pagtaas ng bilihin sa ating bayan. Lumiliit na ang buying power ng mga Filipino, nanghihina na rin ang loob ng marami nating kababayan.
Nitong mga nakaraang buwan, maraming mga eksperto na ang nagpayo sa mga mamamayan na maghanda sa posibleng global recession dahil sa pandemya, pagtaas ng inflation rate, pagtaas ng presyo ng langis, food shortage, at ang ayaw tumigil na Russia-Ukraine War.
Napakaraming hamon sa ating ekonomiya kapanalig, at karamihan sa kanila, wala sa ating sphere of control. Ang mga ordinaryong mamamayan tulad natin ay maituturing na helpless sa patuloy na pagbagal ng ating ekonomiya. Ayon nga sa International Monetary Fund (IMF), maaaring maapektuhan sa darating na 2023 ang ekonomiya ng ating bansa ng mga global shocks dahil maaaring bumaba mula 2.9% tungo sa 2.7% ang global economic growth. Maari umanong bumagal ang economic growth ng bansa mula 6.5% tungo sa 5%.
Kumpara sa ibang mga bansa, maganda pa rin naman ang performance ng ating ekonomiya kapanalig. Kaya nga lamang, sa bawat pagbagal ng ating ekonomiya, may sektor sa ating lipunan na lagi na lamang natatamaan – ang mga maralita nating kababayan. Sa katunayan, mas mataas ang poverty rate ng ating bansa ngayon kumpara noong 2018. Base sa Preliminary Results of the Family Income and Expenditure Survey (FIES) noong 2021, ang poverty incidence sa ating bansa ay nasa 18.1% percent na. Katumbas ito ng mga 19.99 million Filipinong nabubuhay sa poverty threshold na nasa P12,030 kada buwan para sa pamilyang may limang miyembro. Noong 2018, nasa 16.7% ang ating poverty incidence.
Dahil nga dito, mas maraming mga Filipino ngayon ang dumidiskarte na para lamang madadagdan ang kanilang kita. Hindi na sapat ang isang income stream para sa marami nating mga kababayan. Kailangan nang lagi may ibang raket upang magkasya ang budget sa tahanan. Ano bang magagawa ng pamahalaan upang hindi laging gipit ang mga mamamayan?
Ayon sa isang isang pag-aaral ng World Bank, isa sa mga maaaring gawin ng pamahalaan ay prudent spending – pagtitipid o pagiging masinop sa pag-gasta. Payo din nito ang mas maayos na tax collection at ang epektibong pagtugon sa inflation rate.
Kapanalig, mahihirap maghanap ng kumikitang kabuhayan sa ating bansa kung mabagal ang pagtugon ng pamahalaan sa mga hamon sa ating ekonomiya. Sabi nga sa Economic Justice for All ng the US Catholic Bishops, “Ang obligasyon na magbigay ng katarungan para sa lahat ay nangangahulugan na ang mahihirap ang may nag-iisang pinaka-kagyat na pang-ekonomiyang prayoridad sa budhi ng bansa.” Kapanalig, bago ang mga leisure travels, bago ang mga party, bago ang pamumulitika, ang kapakanan ng maralita ang siya lagi dapat inuuna ng pamahalaan at lipunan.
Sumainyo ang Katotohanan.