236 total views
Mga Kapanalig, lubhang nakababahala ang nangyaring shootout sa pagitan ng mga pulis mula sa anti-illegal drug operatives ng Quezon City Police District at mga agents ng Philippine Drug Enforcement Agency (o PDEA) sa harap ng isang mall sa Quezon City noong isang linggo. Dalawang pulis ang namatay habang tatlong taga-PDEA ang nagtamo ng mga sugat. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, iginigiit ng dalawang ahensyang lehitimong drug operation ang kanilang ginawa. Ngunit ang nakapagtataka, paanong sila-sila rin ang nagkasagupa? Bakit ang mga dapat na humahabol sa mga sangkot sa droga ang nagpalitan ng putok ng baril?
Misencounter ang itinawag ng mga awtoridad sa nangyari—isang pagkakamaling sa kasamaang-palad ay nauwi sa isang madugong engkuwentro. Ngunit sa mata ng publiko, patunay ito ng malaking pagkukulang ng mga tagapagpatupad ng batas sa kung paano sila nagsasagawa ng kani-kanilang operasyon upang labanan ang sinasabing malaking problema natin sa droga. Malapit nang matapos ang administrasyong Duterte na nangako ng isang bayang malinis sa ipinagbabawal na gamot, ngunit heto at patuloy ang giyera nito kontra droga na may bahid ng kapalpakan, kakulangan sa maayos na intelligence, at kawalan ng koordinasyon. Ang nakalulungkot, buhay ng tao ang nagiging kapalit nito.
Ganito rin ang masasabi natin sa kaso ng libu-libong pinatay ng mga pulis habang ipinatutupad ang “war on drugs” ni Pangulong Duterte. Kung paniniwalaan natin ang datos ng pamahalaan, umabot na sa mahigit 6,000 ang mga namatay mula Hulyo 2016—ang unang buwan ng panunungkulan ng pangulo—hanggang sa Disyembre ng 2020. Karamihan sa mga ito, ayon sa pulisya, ay nanlabán, mga suspek na nagmatigas sa mga pulis, hindi sumuko, at nakipagpalitan ng putok. Ito ang palagi nating naririnig sa mga pulis sa tuwing may namamatay sa kanilang mga isinasagawang operasyong madalas nangyayari sa mga mahihirap na komunidad.
Hindi agad na tinatanggap ng mga pumupuna sa giyera kontra droga at lalo na ng mga kaanak ng mga pinatay ang katwirang ito ng mga pulis. At tumibay ang pagkukuwestyon sa paraan ng pagsasagawa ng mga pulis ng kanilang operasyon dahil mismong si DOJ Secretary Menandro Guevarra na ang nagsabing marami sa mga kaso ng mga nanlabán ay hindi nasusundan ng tinatawag na “full examination” sa mga narekober na armas na tangan ng mga napatay na suspek. Sinabi niya ito sa United Nations Human Rights Council noong nakaraang linggo. Lumabas sa imbestigayon ng binuong interagency panel ng kagawarang sa maraming pagkakataon, hindi nasusunod ng mga pulis ang mga nakatakdang protocol sa tuwing may namamatay sa mga isinasagawa nilang operasyon. Hindi na inaalam kung sino ang totoong may-ari ng baril na hawak ng mga umano’y nanlabán, at hindi na humihiling ang mga pulis ng ballistic examination o paraffin test upang patunayang nagpaputok ng baril ang mga namatay.
Hindi natin ito dapat palampasin, lalo na kung naniniwala tayo sa itinuturo ng ating pananampalatayang Kristiyano na walang sinuman ang may karapatang kumitil ng buhay ng kanyang kapwa at na hindi karahasan ang paraan upang itama ang mga itinuturing nating mali sa ating lipunan. At ang mga paniniwala nating ito ay laging nakabatay sa katotohanan, bagay na ipinagkait sa mga kababayan nating sinabi lamang na nanlabán upang bigyang-katwiran ang pagpatay sa kanila.
Mga Kapanalig, buhay ng tao ang nagiging kapalit ng kapalpakan at kapabayaan ng mga inaasahan nating magpatupad ng batas. Sa mga kasong ito, para ba nating naririnig ang winika ni Yahweh kay Cain sa Genesis 4:10: “Sumisigaw sa akin mula sa lupa ang dugo ng iyong kapatid, at humihingi ng katarungan.” Tayo kaya bilang isang bayan, kailan natin maririnig ang paghingi ng katarungan ng mga kababayan nating biktima ng karahasang para daw sa kapayapaan?