754 total views
Mga Kapanalig, itinalaga ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (o CBCP) ang kasisimula pa lamang na liturgical year ng ating Simbahan bilang Taon ng Kaparian at mga Taong Konsagrado o Year of the Clergy and Consecrated Persons.
Bakit kailangan ng taón para sa kaparian? Hindi ba taón ng kaparian ang lahat ng taón sa Simbahan? Malalim ang pinagmumulan ng ganitong tanong. Ano bang uri ng Simbahan ang ipinalalaganap ng ating kaparian? Ito ba ay Simbahang nakasentro sa kanila at pinamumunuan nila, o tunay ng sambayanan ng Diyos na nilalahukan ng lahat?
Isang paraan ng pagkilatis sa uri ng Simbahang pinaiiral ng ating kaparian ay ang paglapat sa kanila ng ilang prinsipyo ng Catholic social teaching.
Unang prinsipyo: likas na dangal ng bawat tao. Kinikilala ba ng ating mga pari ang dangal ng lahat, anuman ang kasarian, edad, o estado sa buhay? Sinisikap ba nilang huwag isantabi, bagkus isama at pagsilbihan, ang mga taong naiiba—ang mga dukha, ang naiiba ang oryentasyong sekswal, ang mga nasa relasyong kung tawagin ng Simbahan ay irregular, tulad ng hiwalay sa asawa o nakikisamang hindi kasal? O namimilì ba sila ng uri ng taong isasama sa kanilang kawan?
Pangalawang prinsipyo: pangkalahatang patunguhin ng materyal na bagay at pribadong pag-aari. Itinuturing ba ng ating mga pari ang kayamanan ng kanilang mga parokya, ministeryo, at apostolado bilang kayamanang pinag-iingatan para sa kapakanan ng kanilang pinagsisilbihan, lalung-lalo na ang mahihirap? May transparency ba ang paggamit nila sa kayamanang ito? O itinuturing ba nila itong pribadong kayamanang hindi dapat pakialaman ng mga laiko? O ‘di kaya ginagasta nila ito sa magagarang sasakyan o pinakabagong gadgets, o sa pagpapaganda ng kanilang mga kumbento?
Pangatlong prinsipyo: mapagkiling na pagmamahal sa mahihirap. Sinisikap ba ng ating mga pari na maramdaman ng maralita na welcome sila sa Simbahan? Hinihikayat ba nila ang mahihirap na sumama sa ministeryo, apostolado, at ibang samahan ng parokya? Pinipili ba silang maging pinuno ng mga samahan? O baka naman mga mayayaman lamang ang inaalagaan ng ating mga pari, at sila ang itinatalaga sa mga ministeryo, apostolado, at samahan ng parokya, dahil sila raw ang malaking mag-ambag ng salapi?
Pang-apat na prinsipyo: pagkilala sa halaga ng paggawa. Sapat ba ang sahod at benepisyong iginagawad ng ating mga pari sa manggagawa sa kanilang parokya, ministeryo, o apostolado? O baka naman tinitipid nila ang mga ito dahil nagtatrabaho naman daw sila para sa Diyos? Kinikilala ba ng ating mga pari ang halaga ng gawain ng lahat ng volunteers sa Simbahan, gaano man kaliit o katagô? O baka mga leaders lamang at mga star ang binibigyang parangal?
Panlimang prinsipyo: pagbibigay-kapangyarihan sa taumbayan. Pinalalakas ba ng ating mga pari ang mga laiko upang makilahok sila sa mga pasya tungkol sa parokya, ministeryo, o apostolado? Tinuturuan ba sila ng mga prinsipyong makagagabay sa pagpapasyang ito? Dinidinig ba ang mga hinaing nila tungkol sa pagpapalakad ng parokya, ministeryo, o apostolado? O baka naman si Father ang nagpapasiya ng lahat, at sunud-sunuran lamang ang mga laiko? Baka naman sinusupil nila ang pagpapahayag ng mga laiko ng sariling opinyon, lalo kung taliwas sa opinyon nila?
Mga Kapanalig, kung tatalima ang ating mga pari sa mga prinsipyo ng Catholic social teaching, hindi ba mas matutulad sila sa Panginoong Hesukristong isinusugo nila sa daigdig?
Ipagdasal natin ang ating kaparian. Nawa’y sa taóng ito ng Kaparian at Mga Taong Konsagrado, hindi ang mataas nilang posisyon sa Simbahan ang pagtuunan nila ng pansin, kundi ang paggiging kinatawan ni Kristo—isang paring kumilala sa dangal ng lahat, hindi nagkakamal ng yaman para sa sarili, may mapagmahal na pagkiling sa mahihirap, kumilala sa halaga ng paggawa, at nagbigay-kapangyarihan sa kaniyang mga disipulo.
Sumainyo ang katotohanan.