716 total views
Ang Mabuting Balita, 26 Oktubre 2023 – Lucas 12: 49-53
ANG KAPAYAPAAN PAGKATAPOS NG UNOS
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa – at sana’y napagningas na ito! May isang binyag pa na dapat kong tanggapin, at nababagabag ako hangga’t hindi natutupad ito! Akala ba ninyo’y pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo: hindi kapayapaan kundi pagkakabaha-bahagi. Mula ngayon, ang limang katao sa isang sambahayan ay mababahagi: tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. Maglalaban-laban ang ama at ang anak na lalaki, ang ina at ang anak na babae, at gayun din ang biyenang babae, at manugang na babae.”
————
Si Jesus ay ipinadala ng Ama sa mundo upang maghatid ng kaligtasan. Sapagkat tumagos ang kasamaan sa apat na sulok ng mundo, ang gawain o misyon ni Jesus ay nangailangan ng KATAPANGAN na banggain ang mga umiiral na nakagawian ng kanyang mga kababayan na labag sa mga Utos ng Diyos. Kinailangan niyang magpalayas ng mga demonyo at makihalubilo sa mga kilalang makasalanan. Kinailangan niyang magbigay ng labis na oras sa pagpapagaling ng mga maysakit at sa pagbigay ng pag-asa sa mga taong naghihikahos. Ang kanyang mga itinuro at ginawa sa kanyang ministri ay nagpagalit ng mga eskriba, Pariseo at mga punong sacerdote na nagmamalaki bilang mga dalubhasa sa Batas ni Moises.
Hindi kataka-taka kung ang mga turo ni Jesus ay nagdala ng pagkakabaha-bahagi sa loob ng isang pamilya kung saan may mga miyembrong sumunod sa kanyang yapak at may mga miyembrong ayaw sumunod. Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga ng Apostolado ng Pamilya sa Simbahan. Kapag si Jesus ay nasa sentro ng pamilya, laging magkakaroon ng kapayapaan sa gitna ng mga suliranin at kahirapan. LAGING SI JESUS ANG KAPAYAPAAN PAGKATAPOS NG UNOS.
Panalangin namin, Panginoon, na dumami ang mga pamilya na maglalagay sa iyo sa sentro ng kanilang buhay!