270 total views
Ito ang nasasaad sa ensiklikal ni Pope Leo XIII na Rerum Novarum kung saan sinabi nitong hindi dapat isaalang-alang ng tao ang mga materyal na ari-arian bilang pansariling pag-aari sapagkat ito ay inilaan ng Panginoon para sa lahat.
Kaugnay ditto, pinalalawak ng Philippine Trade Training Center ang mga programang makatutulong sa mamamayan na mapaunlad ang mga maliliit na negosyo at pangkabuhayan.
Sa pagdiriwang ng ika – 32 Taon ng PTTC bumuo ito ng Global MSME Academy (GMEA) na layong palawakin ang kaalaman ng mamamayang magtayo ng mga negosyo.
Sinabi ni PTTC Executive Director Nestor Palabyab na inatasan ng DTI ang PTTC na palawakin ang mga programa sa pagpapaunlad ng mga maliliit na negosyo sa bansa.
“DTI Secretary Mon Lopez expanded the role of PTTC to cover the development and upgrading of MSMEs to become innovative and competitive for the local and foreign markets,” pahayag ni Palabyab.
Sa ilalim ng GMEA, dadagdagan pa ang mga pagsasanay na ibibigay sa mga mamumuhunan at sa mga nagnanais magnegosyo na ipagpatuloy ang export-oriented business at maturuan ang mga benepisyaryo na pangasiwaan ang negosyo sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Tulad ng PTTC, pinaiigting ng Simbahang Katolika sa pangunguna ng Caritas Margins ang pagtulong sa mga Small Medium Enterprises upang matugunan ang tumataas na bilang ng kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay kabuhayan ng mamamayan.
Batay sa tala ng Caritas Margins mahigit sa isang libong maliliit na negosyo sa buong Pilipinas ang tinutulungan nilang maibenta at maipakilala sa publiko ang kani-kanilang mga produkto sa pagsasagawa ng mga expo.
Kinilala ng pamahalaan ang kahalagahan at ambag ng mga Micro, Small and Medium Enterprises sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas batay sa nasasaad sa Republic Act No. 9501 o ang Magna Carta for MSMEs.
Binigyang diin sa Rerum Novarum na ang mga kayamanan at kaalaman ay nararapat ibahagi sa kapwa nang walang pag-aatubili sapagkat ito ay pagpapakita ng Kristiyanong kawanggawa na ikinalulugod ng Diyos.