1,964 total views
Mga Kapanalig, nagsampa ng kaso ang Mercidar Fishing Corporation noong 2023 sa Malabon Regional Trial Court (o RTC) para kuwestuyinin ang pagiging constitutional o sang-ayon sa ating Saligang Batas ang paglalaan ng municipal waters sa mga munisipal at artisanong mangingisda. Hiningi ng korporasyong pahintulutan ang mga commercial fishers na makapangisda sa municipal waters.
Sakop ng municipal waters ang katubigan sa loob ng kinse kilometro mula sa baybayin. Sa kasalukuyan, ang mga munisipal at artisanong mangingisda o mga may bangkang hindi tataas sa bigat na tatlong tonelada at hindi gumagamit ng active gears sa pangingisda ang maaaring mangisda sa municipal waters.
Hindi agad nakatugon ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (o BFAR) sa kasong ito at pinaboran ng Malabon RTC ang korporasyon. Itinaas ng BFAR ang isyu sa First Division ng Korte Suprema noong 2024 na kinatigan ang desisyon ng Malabon RTC. Ngayong 2025, nagpasa ng motion for reconsideration ang BFAR sa Korte Suprema. Kasunod nito ang dalawa pang petisyong inihain ng mga NGOs at munisipal na mangingisda sa Kataas-taasang Hukuman.
Pinangunahan ng Oceana Philippines, isang NGO, ang isa sa dalawang petisyon kasama ang iba pang NGOs. May tatlong hiling ang grupo. Una, nais nitong baliktarin ang desisyon ng First Division. Ikalawa, hinihingi nitong ibalik sa RTC ang kaso. Ikatlo, nanawagan silang isama sa mga pagdinig ang ibang mga partido o sektor, lalo na ang mga mangingisda. Sa kasalukuyan, tanging ang Mercidar Fishing Corporation at ang BFAR ang maituturing na nag-uusap na mga partido sa kaso.
Ang mga ito rin ang hinihingi ng ikalawang petisyong inihain nina Justino Dacillo, mangingisda mula sa Quezon; Roberto Ballon, mangingisda mula sa Zamboanga; Jessie delos Santos, miyembro ng Bantay Dagat sa Batangas; at Erlinda Ferrer, isang ina at mangingisda mula sa Cavite City. Ayon sa kanilang petisyon, kayang humuli ng mahigit tatlong libong kilong isda bawat oras ang isang komersyal na mangingisda na gumagamit ng purse seiner o mas kilala bilang “pangulong”. Samantala, silang mga munisipal na mangingisda na kadalasang gumagamit ng hook and line ay karaniwang may huli na halos kalahating kilo lamang bawat oras. Anila, ang huli ng isang komersiyal na mangingisda sa loob ng isang araw ay katumbas ng kabuuang huli ng 1,500 munisipal na mangingisda.
Suportado ang mga petisyong ito ng iba’t ibang grupo ng mga munisipal at artisanong mangingisda, katulad ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (o PAMALAKAYA), Pangingisda Natin Gawing Tama (o PaNaGat), at Katipunan ng mga Artisanong Mangingisda sa Pilipinas, at ng mga civil society networks gaya ng NGOs for Fisheries Reform at Philippine-Misereor Partnership. Para sa mga grupong ito, ang kinse kilometro ng ating karagatan mula sa pampang ay para sa mga munisipal at artisanong mangingisda.
Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan ang kahalagahan ng pagkiling sa mga mahihirap. Ang pagkiling sa mahihirap ay hindi simpleng pagkakawanggawa kundi pagkilos para sa katarungan. Ang mahihirap ay biktima ng mga kalagayan sa ating lipunan na pinagkakaitan sila ng pagkakataong umunlad. Ibig sabihin, sa tuwing kinikilingan ang mahihirap, ibinibigay lamang ang nararapat sa kanila.
Kung may sapat na yaman lamang ang mga munisipal at artisanong mangingisda, mas malalaking bangka at makabagong kagamitan ang gamit nila sa pangingisda. Dahil dito, ang paglalaan ng municipal waters para sa kanila ay maituturing na pagkilala sa kanilang kalagayan. Bahagi ito ng pagtataguyod sa kanilang dignidad at pagsusulong ng katarungan sa ating lipunan.
Mga Kapanalig, gamitin natin ang mga salita sa Santiago 5:4 sa kaso ng mga munisipal at artisanong mangingisda: “sumisigaw ang mga [mangingisda] dahil hindi ninyo ibinibigay ang kanilang mga [katubigan].” Nawa’y samahan natin sila sa panawagang kanila ang kinse kilometrong katubigan sapagkat ang pagkiling sa kanila ay hindi pagbibigay-awa kundi pagbabayad-utang ng katarungan.
Sumainyo ang katotohanan.