22,846 total views
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa maagang pagsasagawa ng Apostolic Vicariate of Taytay, Northern Palawan ng Chrism Mass na karaniwang isinasagawa tuwing Huwebes Santo.
Ayon sa Obispo, mahalaga ang pananalangin hindi lamang para sa mga pari na muling sinasariwa ang kanilang katapatan bilang lingkod ng Simbahan kundi maging para sa lahat na tinatawagan ng Panginoon sa kabanalan.
Paliwanag ni Bishop Pabillo, ang lahat ay tinatawagan upang maging banal ngunit may iba’t ibang daan o landas ng kabanalan na itinakda para sa bawat isa.
Pagbabahagi ng Obispo, itinalaga ng Panginoon ang bawat isa sa iba’t ibang larangan ng buhay kung saan magkakaiba ang kabanalan ng mga pari, madre, tatay, nanay at maging mga kabataan.
“Ipagdasal po natin sila na sana sila din ay maging tapat sa kanilang pangako kasi sa katapatang ito, kami’y mapapabanal. Ang lahat tayo, anuman ang tawag sa atin, lahat ay tinatawag sa kabanalan, iba’t ibang daan lamang. Iba ang daan ng kabanalan ng madre, ibang daan ng kabanalan ng tatay, ng nanay, ng estudyante, iba yung daan ng kabanalan ng mga pari, pero tinatawag tayo diyan at yan po ay isang permanenteng pagtatalaga sa atin.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo.
Nagpahayag naman ng kagalakan ang Obispo na makita ang aktibong partisipasyon at pagsasama-sama sa pambihirang pagkakataon ng mga pari, madre, lay ministers at mga mananampalataya ng Apostolic Vicariate of Taytay, Northern Palawan na nagpapakita ng tunay na pagkakaisa ng Simbahan.
Ayon sa Obispo, “Pinapakita natin ito yung pahayag ng ating pagiging isang Simbahan, isang Simbahan na binubuo ng iba’t ibang mga bahagi na may iba’t ibang mga tungkulin at pinapakita niyo yan sa inyong mga uniporme ngayong araw. Iba yung suot ng mga pari, iba yung suot ng mga madre, ng mga lay ministers, makikita po natin iba’t ibang grupo kayo at iba’t ibang gawain ninyo sa Simbahan ngunit nagkakaisa tayo sa banal na pagdiriwang na ito. Yan po yung kagandahan ng Chrism Mass, pagkakaisa ng buong bayan ng Diyos, ng Obispo kasama po ang lahat-lahat na mga parte ng ating Simbahan na naglilingkod sa Diyos.”
Pinangunahan ni Bishop Pabillo ang maagang pagsasagawa ng Chrism Mass sa Apostolic Vicariate of Taytay, Northern Palawan kung saan sinasariwa ng mga Pari ang kanilang mga pangako ng sila ay inordinahan bilang Pari.
Binasbasan rin ni Bishop Pabillo ang krisma o ang langis na ginagamit para sa mga sakramento na gagamitin sa buong taong ito, kabilang na para sa pagtatalaga katulad ng binyag, kumpil, dedikasyon ng Simbahan, ordinasyon at gayundin para sa pagpapahid ng langis para sa mga may sakit.
Mas maagang isinagawa ang Chrism Mass sa Apostolic Vicariate of Taytay sa Northern Palawan dahil na rin sa magkakalayong lokasyon ng bawat parokya at mga mission stations na karamihan ay nasa mga isla kung saan naglilingkod ang mga Pari ng bikaryato.
Karaniwang isinasagawa ang Chrism Mass tuwing Huwebes Santo ngunit pinahihintulutan ang mas maagang pagsasagawa nito sa ibang mga lugar dahil sa Pastoral Consideration upang higit na mapagtuunan ng pansin ng mga lingkod ng Simbahan ang paggabay sa buhay espiritwal ng mga mananampalataya sa mismong panahon ng Semana Santa.
Naganap ang Chrism Mass ng Apostolic Vicariate of Taytay, Northern Palawan noong ika-13 ng Marso, 2025 sa St. Joseph the Worker Cathedral na dinaluhan ng may 47-mga pari na katuwang ni Bishop Pabillo sa pangangasiwa sa 23 mga parokya at 4 na mission station sa birkaryato.