2,661 total views
Ang Mabuting Balita, 23 Nobyembre 2023 – Lucas 19: 41-44
ANG LAHAT NG KANYANG MAKAKAYA
Noong panahong iyon, nang malapit na si Jesus sa Jerusalem at matanaw niya ang lungsod, ito’y kanyang tinangisan. Sinabi niya, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makapagdudulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit lingid ito ngayon sa iyong paningin. Sapagkat darating ang mga araw na paliligiran ka ng kuta ng iyong mga kaaway, kukubkubin at gigipitin sa magkabi-kabila. Wawasakin ka nila, at lilipulin ang mga anak mo sa loob ng iyong muog. At ni isang bato’y wala silang iiwan sa ibabaw ng kapwa bato, sapagkat hindi mo pinansin ang pagdating ng Diyos upang iligtas ka.”
————
Sa ebanghelyong ito, makikita natin na si Jesus ay mayroong damdamin ng tao. Kung hindi, hindi niya tinangisan ang kanyang mga kababayan, sapagkat alam niya ang mangyayari sa Jerusalem balang araw. Noong 70 AD, kinubkob ng mga Romano ang siyudad ng Jerusalem, giniba ang una at ikalawang Templo at pinagkukuha ang mga sagradong laman nito. Napakasakit nito para sa mga Judio sapagkat para sa kanila, ang Templo sa Jerusalem ang sentro ng kanilang buhay. Ang tanging natira ay ang “western wall” na ngayo’y tinatawag na “wailing wall.” Ayon sa isang mananalaysay, ang siyudad ay sinalanta ng pagpatay, taggutom at kanibalismo. Ang mga Judio ay nagdanas pa ng maraming salanta sa kamay ng mga kaaway, kaya’t sila ay nagkahiwa-hiwalay at napaalis sa kanilang tinubuang-bayan.
Ginawa ni Jesus ANG LAHAT NG KANYANG MAKAKAYA upang maligtas ang kanyang mga kababayan, ngunit hindi sila nakinig sa kanya. Hindi nila siya kinilala bilang Tagapagligtas. Napakapalad natin na nakilala natin si Jesus bilang Anak ng Diyos at ating Tagapagligtas, at hindi isang propeta lamang. Napakapalad natin na tayo ay tumatanggap ng walang sawang pagmamahal ng Diyos sapagkat napansin natin ang pagdating niya upang tayo ay maligtas!
Panginoong Jesus, tulungan mo kaming mapansin ang iyong presensya sa lahat ng aspeto ng aming buhay!