269 total views
Ang pangunahing responsibilidad, kapanalig, ng mga kawani ng mga lokal na gobyerno ay ang kapakanan ng mga constituents nito. Ayon nga mismo sa ating local government code, “Within their respective territorial jurisdictions, local government units shall ensure and support, among other things, the preservation and enrichment of culture, promote health and safety, enhance the right of the people to a balanced ecology, encourage and support the development of appropriate and self-reliant scientific and technological capabilities, improve public morals, enhance economic prosperity and social justice, promote full employment among their residents, maintain peace and order, and preserve the comfort and convenience of their inhabitants.”
Mula sa simpleng pamantayan na ito mula sa ating sariling batas, nagagawa ba ng mga kawani ng local government units ninyo ang kanilang obligasyon?
Ang tanong na ito ay mahalagang pagnilayan, lalo pa’t parating na, kasama ng national elections, ang local elections. 45 days before the election, simula na ang kampanya para sa lokal na eleksyon. Pihadong babahay-bahayin na ng mga kandidato ang mga tao, kahit hindi pa tapos ang pandemya. May lakas loob kaya tayong maitatanong sa mga kandidato kung ano ang nagawa na nila para sa atin? May resibo na ba sila?
Sa ngayon pa lamang, kita na nga natin sa ilang mga LGUs na sa halip pakinggan ang boses ng kanilang mga constituents, busy sila sa pakikipag-alyansa sa mga national candidates, at ang nakakalungkot, ginagawa nila ito sa ngalan ng mga constituents. Dapat bang ipangako ng isang pinuno ng lungsod o bayan ang boto ng kanilang mga mamamayan sa mga national candidates? Tunay bang kinakatawan ng mga lokal na pinuno ang pulso ng kanilang mga mamamayan? Ang kanila bang pagpapasya at pakikipag-alyansa ay tunay bang para sa mamamayang kanilang pinagsisilbihan o para sa kanilang sariling ganansya?
Kapanalig, hindi bawal mangampanya para sa mga nasyonal na kandidato ang ating lokal na pinuno. Sa katunayan, mahalaga ang payo ng mga pinuno ukol sa ganitong bagay, lalo na kung matuwid at mapapagkatiwalaan ang pinuno. Ang hindi tama ay ang manghimasok sa pagpapasiya ng mamamayan at gamitin ito bilang tila alay o tribute – na tila ang mamamayan ay kanilang pag-aari na pwedeng iprenda sa kahit sinoman. Ang ganitong pinuno ay hindi karapadat-dapat na tawaging lider o lingkod bayan. Walang matinong lider ang mangangako sa ngalan ng bayan ng hindi man lamang makikinig sa mamamayan.
Kapanalig, hindi tayo kasangkapan o ari-arian ng mga lider na bayan. Ang boses natin ay mahalaga. Ang boto natin ang nagluluklok sa kanila sa kapangyarihan. May angkop na paalala ang Pacem In Terris sa sitwasyong ito: The human individual, far from being an object and, as it were, a merely passive element in the social order, is in fact, must be and must continue to be, its subject, its foundation and its end.” Bahagi ng ating dignidad ang pakikilahok sa gobyerno. Kung hindi na matinong serbisyo ang alay ng pinuno, “deserve” nating mawala na ang mga ito. Magbigay tayo ng suporta sa tunay na na lingkod-bayan, hindi sa mga nagha-hari-harian.
Sumainyo ang Katotohanan.