253 total views
Sirit ng sirit ang inflation rate sa ating bansa, kapanalig. Paliit ng paliit ang halaga ng ating pera. Kada linggo, pataas din ng pataas ang presyo ng mga bilihin. Kaya pa ba natin?
Isa sa mga pinaka-apektado sa mataas na inflation rate ng ating bayan ay ang mga seniors natin na umaasa na lamang sa kanilang mga pension upang maka-survive. Hindi nagbabago ang halaga ng kanilang pensyon. Sa bilis ng pagtaas ng inflation rate, hindi na ito sumasapat para sa kanilang mga batayang pangangailangan sa araw-araw.
Ang inflation, kapanalig, ay naging napakalaking balakid na sa maayos at dekalidad na buhay ng ating mga elderlies. Inaasam asam pa naman sana ng marami sa kanila na matapos ng taong-taong pagkayod, kanilang matatamasa na ang bunga ng kanilang paghihirap. Pero hindi. Ninanakaw na ng inflation ang kanilang masaya at payapa sanang retirement.
Huwag din natin kalimutan kapanalig, na ang pension sa ating bayan ay napakaliit at hindi lahat ay nakakatanggap nito. Tinatayang mga 7.5 million ang bilang ng mga elderly o seniors sa ating bayan. 27.7% o tatlo sa sampu lamang sa kanila ang may pension mula sa SSS o GSIS. Ang halaga ng GSIS pension ay karaniwang nasa P18,525 lamang at sa SSS, mga P5,123 lamang. Maliban pa dito, noong 2017, 51.4% lamang ng mga seniors ang nasakop ng PhilHealth. Kapanalig, kung maliit na ang mga halagang ito, paano pa kaya ang mga seniors na walang social protection? Paano sila nagsu-survive ngayong pagkataas-taas ng mga bilihin sa ating bayan?
Sa panahon ng kagipitan, napakahalaga ng mga programa at polisiya para sa mga marginalized at vulnerable sa ating bayan. Marami ang mga maralita sa ating bayan, pero sa hanay nila, ang mga seniors, lalo na ang mga walang kita at mahina na, ang isa sa pinaka-bulnerable. Wala silang ibang pagkukunan ng lakas at suporta kundi ang lipunan, at sa sitwasyong ito, ang pamahalaan ang dapat mauna, lalo pa’t mahigit pa sa kalahati ng ating seniors ang bumoto para sa kasalakuyang administrasyon.
Kapanalig, napakahirap para sa kahit sinumang ordinaryong mamamayang Filipino na tiyakin na sila ay may sapat na pension sa kanilang pagtanda, kahit pa nagtrabaho pa sila ng matagal na panahon. Dahil maliit ang kita sa ating bayan, ang pag-iimpok para sa pagtanda ay mahirap gawin, kaya’t marami ang naka-asa na sasapat na ang pension. Marami rin, lalo ang mga mamamayang nasa informal economy, ay walang access sa mga abot-kayang retirement plan, kaya’t umaabot sila ng pagtanda na walang inaasahang pension.
Sabi nga ni Pope Francis noong Abril 2022 sa kanyang Wednesday General Audience sa St. Peter’s Square: The elderly must be loved and honoured. Ang isa sa pinaka-kongkretong paraan upang magawa natin ito ay sa pamamagitan ng katiyakan ng kanilang social protection. Hanggang kailan kaya sila maghihintay bago nila makamit ito?
Sumainyo ang Katotohanan.