65,406 total views
Mga Kapanalig, nangako ang mga tumatakbong senador sa ilalim ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas—ang ticket ni Pangulong BBM—na ipápasá nila ang National Land Use Act (o NLUA) kung mananalo sila sa darating na eleksyon.
Sa kanilang campaign sortie sa Laguna, sinabi ng isang kandidato na patuloy na liliit ang mga lupang sakahan sa bansa kung hindi maisasabatas ang NLUA. Aniya, no choice ang mga magsasaka kundi ibenta ang kanilang lupa sa mga developers, lalo na kung mababa na nga ang kanilang kinikita, kulang pa ang suporta ng pamahalaan sa kanila.
Sa Regional Development Plan ng Region IV o mas kilala bilang CALABARZON (na binubuo ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon), lumalabas na mula 1988 hanggang 2018, mahigit 20,000 ektarya ng lupang sakahan ang inaprubahan ng Department of Agrarian Reform para i-convert sa ibang gamit. May mga nangyayari ding premature conversion o pag-convert ng lupang sakahan nang hindi dumadaan sa tamang proseso. Sa paglaki kasi ng ating populasyon, kailangan ng mga lupang pagtatayuan ng mga bahay at negosyo. Bagamat ito ay makatwiran, hindi naman makatarungan ang pagkawala ng mga lupang sakahan. Bukod sa inilalagay nito sa panganib ang food security ng bansa, nawawalan din ng hanapbuhay ang mga magsasaka.
Kung maisasabatas ang NLUA, masisiguro ang wastong alokasyon at pagplano ng paggamit ng mga lupa. Magkakaroon din ng mahihigpit na patakaran at panuntunan tungkol sa land use conversion. Malilinaw din ang mga kategorya ng mga lupa base sa kanilang pwedeng maging gamit—ito man ay para sa tirahan, produksyon, imprastraktura, o mga likas-yamang dapat protektahan. Naglalaman din ang NLUA ng mga probisyon para sa sustainable na paggamit ng lupa, kung saan binibigyang-pansin ang pagprotekta sa kalikasan at pagtugon sa climate change.
Batay sa Local Government Code, may kanya-kanyang land use plan dapat ang mga local government units o LGU. Sa kawalan ng NLUA, walang nagsisilbing pambansang gabay, kaya’t posibleng umiral ang mga personal na interes ng mga namumuno sa pagpapatupad nito. Hindi rin nababantayan kung lahat ng LGU ay may land use plan o kung updated ang mga ito. Kaya naman, malaki ang tsansang maabuso ang paggamit ng lupa para sa kita.
Isa sa mga prinsipyo ng panlipunang turo ng Simbahan ang karapatan ng bawat isang magmay-ari. Pero nakakabit din dito ang tinatawag na universal purpose of earthly goods; ibig sabihin, nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay para sa kabutihang panlahat. Hindi mali ang bumili at magmay-ari ng piraso ng lupa para magtayo ng tirahan o negosyo. Pero hindi na ito tama kung nagbubunga ito ng pagkakait sa mga karapatan ng ibang tao. Sa usapin ng pagkakaroon ng private property, dapat mauna ang pagsisigurong narerespeto ang karapatan ng bawat isa at nakakamit ang kabutihang panlahat.
Mga Kapanalig, pangaral sa Isaias 5:8: “kawawa kayo na laging naghahangad ng maraming bahay at malawak na mga bukirin, hanggang mawalan na ng lugar ang ibang mga tao, at kayo na lamang ang naninirahan sa lupain.” Huwag nating hayaang umiral ang sariling interes ng sinuman, lalo na ng mga mamumuno. Bigyang-importansya dapat ang pagbibigay ng mga maayos na tirahan at trabaho sa lahat nang walang naaapakan. Huwag sanang manatiling salita lamang ang pangakong isasabatas ang NLUA. Sinuman ang mahalal sa Kongreso sa darating na eleksyon, nawa’y maging prayoridad nila ang pagsasabatas at pagpapatupad nito nang maayos.
Sumainyo ang katotohanan.