1,023 total views
Homiliya para sa pang-anim na Simbang Gabi, Martes ng ika-apat na Linggo ng Adbiyento, Lukas 1:5-25
Malinaw ang dahilan kung bakit sa taóng ito, mga journalists ang ginawaran ng Nobel Peace Prize. Isa kasi sa mga pundasyon ng matatag na demokrasya sa daigdig ay ang malayang pamamahayag. Iyon din ang dahilan kung bakit isa sa mga pinakamapanganib na trabaho ngayon sa mundo ay ang pamamahayág. Sa Ingles, merong expression para doon sa madalas gawin ng ibang mga authoritarian governments na galit sa malayang pamamahayag: “SHOOT THE MESSENGER.” Ang simpleng solusyon nila kapag di na nila masupil ang malayang pamamahayag ay ang iligpit ang mga mamamahayag.
Kasalukuyang nangyayari ito sa maraming mga bansa na kontrolado ng mga diktador, o mga gubyernong hindi lehitimo ang awtoridad, iyong tipon idinaan sa kudeta o dinayang eleksyon, o batas militar tulad ng nangyayari ngayong kasalukuyan sa Myanmar. Nangyayari din ito sa mga bansang demokratiko kung saan ang mga lider gubyerno ay may pagkiling sa authoritarian rule at walang paggalang sa batas.
Ganoon ang nangyari sa ating bansa noong 1972. Dahil papatapos na ang second term ng presidente noon, ayaw na niyang magbitiw sa pwesto. Ipinailalim ang buong bansa sa martial law para daw madisiplina tayo at masupil kuno ang pagkalat ng komunismo. Inabolish ang Konstitusyon at ipinasara ang Kongreso. Ipinailalim tayo sa dictatorship at gumawa ng sariling Konstitusyon ang diktador para manatili sa puwesto bilang illegitimate president sa loob ng 14 years.
Sapilitang ikinandado noon ang 292 radio stations, 7 sa pinakamalalaking TV stations, at 16 na national daily newspapers, 66 community newspapers at 11 weekly magazines. Biglang nawala ang kalayaan sa pamamahayag. Basta critical sa gubyerno, nirered-tag. Tinatawag na “subersibo o komunista” ang sinumang taong magsabi ng totoo tungkol sa tunay na ginagawa ng gubyerno. Inaaresto na walang warrant, ikinukulong na walang due process. Ang iba ipinadadampot at “sinasalvage”. Iyon ang dating bokabularyo para sa EJK. Ang iba, kahit bangkay hindi na nakita. Walang “human rights human rights noon.” Kamay na bakal.
Sa araw na ito ang focus ng reflection natin ay ang papel na ginampanan ng arkanghel na si Gabriel, bilang Messenger or Tagapahayag ng kalooban ng Diyos.
Hindi lang sa New Testament nababasa ang papel na ito ni Gabriel. Naroon din siya sa Old Testament, sa Book of Daniel. Ang trabaho niya ay hindi lang magpahayag. Kasama na rin ang pagpapaliwanag at pagpapaunawa sa ipinahahayag na balita. Hindi pa lubos ang gawain niya hangga’t hindi pa kusang-loob na tinatanggap ng binabalitaan ang katotohanang hatid niya.
Sa chapter 8 ng aklat ni Daniel, nakakita daw ng isang vision o pangitain si Daniel at humiling siya na ipaunawa sa kanya ang kahulugan ng ipinakita sa kanya. Sino ang magpapaliwanag? Si Gabriel.
Sa Chapter 9 naman, nagbabasa ng Banal na Kasulatan ang propeta mula sa Aklat ni Jeremias. Pilit niyang inuunawa ang salita ng propeta tungkol sa 70 taon na pagkakabihag ng Israel. Ang magbibigay paliwanag ay walang iba kundi si Gabriel din.
Sa chapter 10 humiling pa daw ng tulong si anghel Gabriel kay Saint Michael sa gitna ng matinding labanan sa pagitan ng mabuti at masama.
Madali-dali ang gawain kapag ang kausap ng anghel ay katulad ni Mama Mary. Ito ang reading natin kahapon. Kapag attentive at bukas ang puso ng binabalitaan tungkol sa kalooban ng Diyos. Kaya sa huling linya ng ebanghelyo kahapon, sabi ni San Lukas, “At iniwan siya ng anghel.” Ibig sabihin, “mission accomplished.”
Pero dito sa kaso ni Zacarias, medyo nahirapan itong ating messenger. Ang reaksyon ni Zacarias ay pagkabigla, pagkatakot, pag-aalinlangan o pagdududa. Nasa loob siya ng templo, nagseserbisyo, pero wala doon ang puso niya. Kaya hindi pa “mission accomplished.”
Kung minsan, imbes na ang tagapagbalita ang tatahimik, ang kailangang manahimik ay ang binabalitaan. Mahirap tumanggap ng mabuting balita ang tao kapag gulong-gulo ang isip niya. Kinailangan pa niyang maghintay ng takdang panahon upang makitang hindi nagbibiro o nagsisinungaling sa kanya ang Messenger.
May mga tao kasi na kapag naloko na silang minsan parang wala nang gustong paniwalaan. Iniisip nila lahat manloloko, hindi maaasahan ang mga pangako. Kaya sumusugal na lang sila dahil sa kalituhan. Bahala na, doon na sila sa mas matunog sa survey o mas popular sa social media. Doon na sila sa may instant solusyon sa mga problema o may pinangangakong ginto.
Ito ang panahon na kailangang bitawan muna ang cell phone, tumahimik muna, huwag magpadalos-dalos sa desisyon, lalo na’t kinabukasan ng bansa ang nakasalalay. Ito ang panahon na kailangang gamitin natin ang talino, dagdagan ang pakikinig sa mga mapagkakatiwalaan, mag-isip na mabuti, makilatis ang mga hangarin at umasa sa mga totoong mamamahayag, hindi sa mga bayarang trolls, hindi sa mga experto sa pagpapakalat ng pekeng balita.
Ang magiging trabaho ng bata sa sinapupunan ni Elisabeth ay ang trabahong Messenger din. Walang ipinagkaiba sa gawain ni Gabriel na tagapamahayag ng katotohanan. Pahayag na hindi rin ikatutuwa ng mga kinauukulan na nasa kapangyarihan. Kaya pareho din ang naging solusyon ni Herodes Antipas nang di niya masupil ang message ni Juan Bautista: “Shoot the Messenger.” Kaya pinugutan siya ng ulo, para mapatahimik siya.
Kaya napraning na si Herodes nang akala niya ang propetang pinugutan niya ng ulo ay nabuhay na mag-uli kay Hesus ng Nazareth. Ang mensaheng pilit na pinatatahimik ng mga Herodes at Pilato sa pamamagitan ng pagpaslang sa mga Tagapamahayag ng katotohanan ay lalong lumalakas at umaalingawngaw, kahit hindi gumamit ng nakaw na pondo para umupa ng libo-libong trolls na magkakalat ng pekeng balita.
Katotohanan ang magpapalaya sa inyo, wika ng Panginoon sa kanyang mga alagad. Katotohanan ang nagpalaya sa naumid na dila ni Zacarias sa bandang huli. Katotohanan din ang magliligtas sa ating bayan ngayon mula sa pagkapariwara.