222 total views
Mga Kapanalig, kung gusto nating malaman ang tunay na state of the nation, wala nang ibang tunay na makapagsasabi nito kundi ang mga mahihirap na pinangakuan noong kampanya ni Pangulong Duterte na tutulungang baguhin ang kanilang kalagayan. Marami ang napaniwala ng pangulo na siya ay “pro-poor” o makamahirap, ngunit sa dalawang taon ng kanyang panunungkulan, siya mismo—sa pamamagitan ng kanyang mga isinulong na patakaran at ng kanyang mga pananalita—ang bumasag sa imahe niyang nakapagbigay sa kanya ng 16 na milyong boto.
Sino ang makapagsasabing ang kanyang giyera kontra droga ay makamahirap? Hindi ba’t mula sa mga mahihirap na lugar ang mga napatay sa mga operasyon ng pulis at mga biktima ng vigilante killings? Sa opisyal na tala ng pamahalaan, mahigit 4,000 katao na ang napatay sa mga anti-drug operations ng mga pulis, ngunit lumalabas ding mahigit 20,000 ang tinatawag nilang “homicides under investigation.” Maaaring mas marami pa ang napatay. Hindi rin nakikita sa mga numerong ito ang tindi ng epekto ng “war on drugs” sa mga magulang ng mga namatayan, sa mga nabalo, sa mga batang ulila na. Kamakailan, ibinalita ni Bishop Ambo David ng Diyosesis ng Kalookan na pinatay noong Miyerkules ang naiwang asawa ng isang tatay na pinatay noong isang taon. Tuluyan nang naging ulila ang kanilang mga anak. Ganito na katalamak ang patayan sa ating bayan, ang patayang sinimulan ng administrasyong Duterte, ang patayang ang mahihirap ang binibiktima.
Samantala, hindi ba’t mga mahihirap din ang pumapasan ng bigat na dulot ng tumataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo? Sinasabi ng administrasyong maliit lamang ang epekto ng TRAIN Law sa pagmahal ng mga produkto; wala pa nga raw isang porsyento. Sisihin daw natin ang tumataas na halaga ng petrolyo, ang humihinang halaga ng piso, at ang mga negosyanteng sinasamantala ang sitwasyon upang kumita. Kung gayon, ano ang ginagawa ng pamahalaan upang ibsan ang epekto ng mga ito? Hindi kaya’t ang TRAIN Law ang naging dahilan para manamantala ang mga nais lamang kumita? Sabi ng pamahalaan, mayroon namang ibinibigay na buwanang subsidiya ang pamahalaan sa mga mahihirap upang makatulong bawasan ang anumang epekto ng TRAIN sa kanilang gastusin. Ang tanong: sapat ba ang ₱200 bawat buwan na dagdag sa kita sa isang mahirap na pamilya? Itinulak ng administrasyong Duterte ang TRAIN Law upang matustusan ang ambisyosong programa nito na “Build, Build, Build” na anila’y magpapasigla sa ating ekonomiya at sa kalauna’y pakikinabangan din ng mahihirap. Ngunit bakit parang ang mga mahihirap ang pumapasan ng bigat? Taliwas sa paniwala ni DBM Secretary Diokno na hindi naman daw nagbabayad ng buwis ang mga mahihirap samantalang sila ang nakatatanggap ng mga libreng serbisyo ng pamahalaan, ang mga mahihirap po ang unang-unang naghihigpit ng sinturon sa tuwing tumataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyong may nakapataw nang buwis. Nagbabayad ang mga mahihirap ng buwis sa tuwing sasakay sila ng jeep (na tumaas na ng piso ang pamasahe) at sa tuwing bibili sila ng pagkain sa tindahan.
Dalawang isyu lamang ang mga ito sa unang dalawang taon ng administrasyong Duterte na nagpapakita kung paano ituring ng pamahalaan ang mga mahihirap.
Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, binibigyang-diin natin ang pagkiling sa mga mahihirap, hindi dahil mga espesyal silang tao at hindi rin dahil dinadakila natin ang kahirapan. Marapat silang pagtuunan ng pansin dahil sila ang mga hindi nakatatamasa ang makataong pamumuhay, dahil sila ang nakararanas ng pang-aapi sa kanilang buhay at dangal.
Mga Kapanalig, sa inyong palagay, sa paanong paraan naipakikita ng administrasyong Duterte ang pagkiling nito sa mga dukha? Buksan natin, hindi lang ang ating mga mata kundi pati ang ating isipan at puso nang makita natin ang tunay na state of the nation.
Sumainyo ang katotohanan.