24,160 total views
Homiliya para sa Pang-apat ng araw ng Simbang Gabi, Martes sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento, 19 Disyembre 2023, Lk 1:5-25
Nitong nakaraang Dec 8, pyestang Immaculate Conception, sa ordinasyon ng tatlong bagong pari ng Diocese of Kalookan, hindi si Mama Mary ang tinutukan ko ng pansin sa homily ko kundi si angel Gabriel. Nagbahagi ako tungkol sa kaugnayan ng papel ni Gabriel sa buhay at misyon ng simbahan sa daigdig: 1) tagahatid ng mabuting balita, 2) tagapagpaunawa sa kalooban ng Diyos, at 3) tagapag-anyaya na makiisa sa plano ng Diyos.
Ang gawaing ito ni Angel Gabriel kung minsan ay madali, pero kung minsan hindi. Depende rin kasi sa disposisyon ng binabalitaan. Kay Mama Mary, hindi nahirapan ang angel; kay Zacarias medyo nahirapan siya ayon sa narinig nating ebanghelyo. Doon sa kwento ng pagdalaw ng anghel kay Mama Mary, humingi lang ng konting clarification si Mama Mary, pero mabilis ang happy ending—mabilis na nasungkit ang matamis niyang oo.
Sa kuwento naman ng pagdalaw ng anghel kay Zacarias, parang inunahan na nga kaagad ni Gabriel ang mga questions na pwedeng itanong ni Zacarias. Siguro dahil sa excitement sa hatid niyang good news. May kasama na kaagad na mahabang paliwanag ang balitang hatid niya tungkol sa magiging misyon ng batang isisilang daw ng kanyang asawa. Pero hindi excitement ang reaksyon ni Zacarias kundi pagdududa. Kumbaga sa surprise birthday party ang na-surprise ay hindi ang sinusorpresa kundi ang nanunurpresa. Sabi ba naman ni Zacarias sa anghel: “Paano ko matitiyak na totoo nga ang sinasabi mo gayong matanda na ako at gayundin ang asawa ko…”
Madalas sabihin ni Pope Francis na ang simbahan may tendency rin na umastang parang si Zacarias. Parang matandang di na masorpresa. Wala nang makitang bago, wala nang pinananabikan, wala nang pinapangarap, nabubuhay na lang sa nakaraan. Ang kahapon, ngayon at bukas ay pareho lang. Para bang nasa maintenance mode; inuulit-ulit na lang ang nakagawian o nakasanayan.
Malungkot, sabi ng Santo Papa, kapag hindi na excited lumabas ang simbahan para magmisyon, para maghatid ng balitang nagbibigay-galak sa mga nasisiraan ng loob. Ganyan kapag tayo-tayo na lang ang nag-uusap at nagkakaintindihan. Kapag imbes na magpatulóy mas gusto nating magtabóy. Kapag ang simbahan para sa atin ay isang sarado at exclusive na samahan ng mga banal at karapat dapat, imbes na isang bukas na pagamutan para sa mga sugatan at maysakit.
Ganyan kapag naghihintay na lang tayo sa mga masisipag magsimba, mga tipong parokyanong na karamihan ay matatanda na at mga pagód na rin. Kapag wala na tayong ibang alam kausapin kundi ang mga tipong manang na sanay sa simbahan, kapag hindi na natin maakit ang mga bata at kabataan.
Ganyan kapag hinayaan nating maging mistulang mga museo na lang ang ating mga simbahan. Kumbaga sa punongkahoy, parang wala nang ibinubunga, nagsisimula nang malanta. Kapag nakatuon na lang tayo sa sarili at wala nang ibang layunin kundi ang i-maintain na lang ang ating mga institusyon. Kapag hindi na tayo marunong makinig at tumugon sa hamon ng panahon. Kapag hindi na tayo kay Kristo humihingi ng liwanag, wala na rin tayong liwanag na itatanglaw sa mundo.
Makakaawit kayang muli si Zacarias kung di muna siya napipi? Kung di muna siya pinatahimik ng anghel? Kaya siguro ang dinaluhan naming Sinodo sa Roma sinimulan muna sa retreat—sama-samang pananahimik para manalangin at magnilay imbes na magdiskusyon lang at magdebate o magpalitan ng kuro-kuro. Kung may sasabihin, dapat bunga ng panalangin. At pag may nagsalita, tumahimik muna bago iyung susunod, para namnamin ang narinig. Para ang mapakinggan ay ang Diyos sa pamamagitan ng tinig ng bawat isa. Iyon ang susi upang ang simbahang nakikipagkaisang-diwa kay Kristo ay makilahok din sa kanyang buhay at misyon sa kasalukuyang panahon.