22,041 total views
Homiliya para sa Panlimang araw ng Simbang Gabi, Miyerkoles sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento, 20 Disyembre 2023, Lk 1:26-38
Tatawagin nating part 2 ang homily na ito. Part 2 ng ating pagninilay tungkol sa gawain ni angel Gabriel na maghatid ng mabuting balita. Kahapon ang binabalitaan ay si Zacarias; ngayon naman si Mama Mary.
Ang misyon ng anghel ay pagtagpuin ang kalooban ng nagpapabalita (ang Diyos) at ang binabalitaan (si Mama Mary). Ito ang malaking hamon para sa tagapagbalita. Hindi pa lubos ang trabaho niya hangga’t hindi niya napagtatagpo ang kalooban ng Diyos na nagpapabalita at ang taong binabalitaan.
Sa dulo ng ating ebanghelyo ngayon, narinig natin ang linyang “At iniwan siya ng anghel.” Hindi natin ito narinig kahapon, di ba? Sa palagay ko 9 months pang naghintay si Gabriel bago maiwan si Zacarias. Hindi siya umalis hanggang hindi nagwakas ang pagkapipi ni Zacarias matapos na maisilang ni Elisabet si Jun Bautista.
Sa ating unang pagbasa, ang propetang si Isaias ang gumaganap sa papel ng anghel. Meron siyang balita kay Haring Acaz. Nasa gitna sila ng krisis noon. Natatakot ang hari na pabagsak na ang Kaharian niya dahil binabalaan siyang giyerahin ng magkasamang puwersa ng Damascus at Samaria para pilitin siyang makipag-alyansa sa binabalak nilang giyera laban sa Assyria. Imbes na pakinggan ang propeta, hindi na lang daw siya hihingi ng palatandaan. Nagdadahilan pa siya pero ang totoo, hindi siya interesado sa payo ng propeta dahil meron na siyang sariling plano—ang sumuko na lang at magpasakop sa Assyria.
Para bang hindi pa siya nilulusob nasisiraan na agad siya ng loob. Heto ang tanda na bigay ng propeta na magpapalakas sana ng loob niya, kung makikinig lang siya—na maglilihi ang misis niya at manganganak ng magmamana sa trono niya. Ibig sabihin, magpapatuloy ang kaharian niya at ang pangalang ibibigay sa bata ang mabuting balita: EMMANUEL—“sumasaatin ang Diyos.” Pero ano ang silbi kahit sumasaatin ang Diyos kung hindi rin naman tayo “sumasakanya.”?
Ganito rin ang balita ng anghel kay Maria: “Ang Panginoon Diyos ay sumasaiyo.” Ang hinihingi lang ng anghel ay ang kooperasyon niya upang lukuban siya ng Espiritu Santo at isilang sa mundo ang Anak ng Diyos para magampanan nito ang kanyang misyon. Ang misyon na nakapaloob sa pangalang ibibigay sa bata: YESHUA—ibig sabihin, Diyos na nagliligtas.
Ito ang misteryong madalas kong itanong sa sarili ko. Ba’t di na lang gawin ng Diyos ang pagliligtas na binabalak niya, sa ayaw natin at sa gusto? Bakit kailangan pa niyang kunsultahin ang tao? Maraming beses ko nang nabanggit ito sa inyo: kung may tiwala tayo sa Diyos, may tiwala din siya sa atin. Hindi niya ipipilit ang kalooban niya—laging ipapaabot ito sa atin hindi bilang imposition kundi bilang proposition. Hindi sapilitan. Gumagalang sa ating desisyon, nag-aanyaya ng partisipasyon. Kaya inuulit-ulit din ni Pope Francis na sa isang simbahang sinodal, kung gusto nating makiisa sa misyon ni Kristo kailangan muna tayong makibahagi sa buhay niya.
Hindi aalis ang anghel hangga’t hindi niya nalulubos ang gawain niya: ang pagtagpuin ang kalooban ng Diyos at kalooban ng Tao. Ang pagtatagpo na ito ang susi ng katuparan ng mga plano ng Diyos. Pag nagtagpo ang kagustuhan ng Diyos sa kagustuhan ng tao, ang marami sa inaakalang imposible ng tao ay napangyayari ng Diyos.
Bakit iniwan ni Gabriel si Maria sa dulo ng kuwento? Dahil hindi na siya kailangan. Sapat na ang tugon ni Maria sa paanyaya ng Diyos para masimulan na ang imposible upang ito’y maging posible. Wala daw hindi mapangyayari ang Diyos. Actually maraming hindi mapangyayari ang Diyos kahit gusto pa niya, kung di natin gugustuhin. Ano ang hinihiling ninyo sa Diyos pag nagdarasal kayo? Ang sikreto, kung ibig natin matupad ito ay simple lang—alamin din kung ano ang hinihingi ng Diyos sa atin. Kapag nagtagpo ang dalawa, walang imposible.