398 total views
Kapanalig, napapansin mo ba ang ating kapaligiran ngayon? Paano mo ito malalarawan? Ihambing mo ang iyong komunidad sa itsura nito noong nakaraang 20 taon sa itsura nito ngayon. Ano ang mga pagbabago? Masasabi mo bang mabuti ang mga pagbabagong ito?
Langhapin mo ang hangin sa iyong paligid. Kung dati rati malinis ito at sariwa, ngayon, ang kalidad ng hangin sa NCR ay mas pangit pa kaysa noong nakaraang taon lamang. Ang air pollution sa NCR ay umabot ng 130 micrograms per normal cubic meter habang ang ligtas na antas ng polusyon ay nasa 90 micrograms per normal cubic meter lamang. Sa patuloy ng pagdami ng mga oto hindi lamang sa NCR kundi sa buong bansa, mas tataas pa ang antas ng polusyon. At dadagdag ito sa polusyon na nililikha rin ng iba pang mga bansa. Ang polusyon na ito ay maiimpok sa kalawakan at magpapalala ng greenhouse effect, kapanalig. Ito ay sintomas ng malubhang sakit ng ating mundo.
Tingnan naman natin kapanalig, ang ating mga ilog. Makakalangoy ka pa ba dito? Dumadaloy pa ba sila o barado na sila ng basura? Ayon sa opisyal na datos, 50 sa ating mga mahigit na 421 na ilog ay biologically dead. Kapanalig, ang mga ilog ay parang mga arteries o ugat ng daigdig kung saan buhay, hindi basura, ang dapat dumaloy. Ang ating mga karagatan din, kapanalig, ay naging tambakan na ng basura. Mga plastic ang lumulutang dito, plastic na nakakain ng mga isdang atin ding hinuhuli.
Kapanalig, ang patuloy at mabilis na urbanisasyon sa ating bansa at sa buong mundo ay nagdadala ng napakatinding panganib sa sangkatauhan at sa ating planeta. Tumataas ang ating demand habang hirap na hirap na ang mundo isuplay ang mga ito, habang sinisira naman natin ang kanyang angking yaman. Ang polusyon sa hangin at tubig at ang pagkamatay ng buhay sa ating mga ecosystems ay mga sintomas na malubha na ang sakit ng ating daigdig. Ang pagkamatay ng ibang species ay maaring simtomas na rin na namamatay na ang ating mundo.
Kada dalawang taon, kapanalig, nilalabas ang report na The Living Planet, mula sa Global Footprint Network, WWF, at Zoological Society of London. Sinusukat ng report na ito, gamit ang ilang batayang sukatan gaya ng Ecological Footprint, ang mga epekto ng mga gawain ng tao sa mundo. Ang Living Planet Report 2016 ay nilabas noong Oktubre 27 lamang.
Ayon sa report, ang populasyon ng wildlife sa buong mundo ay maaring bumaba ng mga 67% dahil laging mas higit pa ang demand o pangangailangan ng tao kaysa sa kakayahan ng mundo na magsuplay nito. Kapanalig, base din sa report, ang sangkatuhan ay tila gumagamit ng 1.6 na planeta kada taon para lamang masuplyan ang lahat ng pangangailangan natin. Isa lamang ang ating mundo kapanalig, wala ng iba.
Ang development at urbanisasyon ay hind kailangang sumira ng ating nag-iisang daigdig. Ngunit kung gaano kabilis ang development ng ating lipunan, ganon din kabilis ang pagkasira ng mundo. Nakakatakot. Kapanalig, gumising tayo. Hindi kailangan maging ganito. Ang hamon ni Pope Francis sa atin, mula sa kanyang Laudato Si, ay ating dinggin: Many things have to change course, but it we human beings above all who need to change.