202 total views
Mga Kapanalig, sa pulong ng National Peace and Order Council sa Davao City, mismong si Pangulong Duterte ang nagbasa ng mga pangalan ng ilang alkalde, bise-alkalde, provincial board member, at kongresistang kabilang sa bagong narco list o listahan ng mga pulitikong sangkot umano sa iligal na droga. Nanindigan ang pangulong may hawak na ebidensiya ang administrasyon laban sa 46 na pulitikong nasa listahan.
Layunin daw ng narco list na gabayan ang mga botante ngayong halalan. Kailangan daw malaman kung sinu-sino sa mga kumakandidato ang hindi karapat-dapat iboto dahil sa kanilang kaugnayan sa ipinagbabawal na gamot. Ayon sa administrasyon, nais lamang nitong ilabas ang katotohanang mahalaga ngayong papalapit na ulit ang eleksyon.
Pinahahalagahan ng Simbahang Katolika ang katotohanan, at naglilingkod ito upang hanapin ang katotohanang magpapalaya sa atin. Ngunit ang pagtataguyod natin ng katotohanan ay itinuturing nating gawain ng pagkakawanggawa o charity, dahil layon nitong pagbuklurin ang mga tao tungo sa kabutihan ng lahat o common good. Batay sa ganitong pagtanaw sa katotohanan, paano isinusulong ng isang narco list ang katotohanan gaya ng sinasabi ng administrasyon?
Tatlong puntos ang nais nating bigyang pansin.
Unang punto: hindi isinusulong ng narco list ang katotohanan dahil hindi kailanman dininig sa isang hukuman ang kaso ng mga opisyal ng gobyernong nasa listahan. Ang nagagawa pa lamang ng pamahalaan ay ang maghain ng kasong administratibo sa Office of the Ombudsman laban sa 46 na nasa kasalukuyang listahan. Hindi pa nabibigyan ng tinatawag na due process ang mga inakusahang narco-politicians na dapat ay itinuturing pang inosente hanggang mapatayunan ang kabaligtaran. Kung hindi pa naisaalang-alang at nasusuri ang mga ebidensya, paano mailalantad ang katotohanan?
Ikalawang punto: dahil sa pagsasapubliko ng narco list, magdadalawang-isip na ang mga opisyal ng pamahalaang gumawa ng mga bagay na hindi magugustuhan ng kasalukuyang administrasyon. Ito ang tinatawag na deterrent o chilling effect ng listahan. Tinatakot nito hindi lamang ang mga nasa listahan na, kundi pati ang mga wala sa narco list. Upang hindi mapasama ang pangalan ng isang opisyal sa narco list, pipillin nitong maging kaalyado ng pangulo at hindi na magtatangkang magsalita laban sa mga maling patakaran ng admnistrasyon. Kung ito ang iiral, magkakampihan ang mga awtoridad, magtatakipan sila ng kani-kanilang mga kakulangan, at sama-sama nilang itatago ang katotohanan.
Panghuli: kung mayroon mang bahid ng katotohanan na ibinunyag ng narco list, ito ay ang kabiguan ng administrasyong tugunan ang problema natin sa iligal na droga. Hindi ba naisip ng pangulo at ng kanyang mga katuwang sa PDEA at PNP na ang pag-aakusa sa mga opisyales sa listahan ay lantarang pag-amin ng pagkatalo ng pamahalaan sa kampanya laban sa droga? Hindi lang minsang nangako ang pangulo na susugpuin ang iligal na droga sa bansa sa loob lamang ng anim na buwan. Magtatatlong taon na siya sa puwesto at humihingi pa rin siya ng extension upang magawa ito. Ito ang tanging katotohanang ibinunyag ng pagsisiwalat ng narco list.
Ang tanong ngayon, mga Kapanalig, sino ang nakikinabang sa paglalantad ng narco list? Tiyak, hindi ang mga inakusahang pulitiko dahil nabahiran na ng katiwalian ang kanilang pangalan kahit hindi pa man ito napatutunayan. Hindi rin naman ito pabor sa mga tatakbo sa eleksyon na hindi nadawit ang pangalan dahil nga kahit manalo sila sa halalan, patuloy silang mamanmanan. At sa pagkabigo ng kampanya ng administrasyon laban sa iligal na droga, talo ang taumbayang ikinulong na sa takot at pangamba sa pamamagitan ng kaliwa’t kanang mga patayan. Kung tunay na seryoso ang administrasyon sa pagsugpo ng problema ng iligal na droga, hindi ito aasa lamang sa pagkakalat ng intriga at pagbabanta gamit ang isang listahan.