376 total views
Mga Kapanalig, nilagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ang Republic Act No. 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act na naglalayong palayain ang agrarian reform beneficiaries (o ARB) mula sa kanilang mga bayarin at pagkakautang. Taliwas sa akala ng marami, hindi libreng nakukuha ng mga magsasaka ang kanilang lupa sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (o CARP). Inaasahan silang magbayad ng amortisasyon upang mabili ang lupa ng may 6% na interes sa loob ng tatlumpung taon. Ang amortisasyon at iba pang obligasyong katulad ng tax, interest, at penalty sakaling nahuhulí sila sa pagbabayad ay ang pinatatawad ng New Agrarian Emancipation Act. Tinatayang 610,000 ARB ang makikinabang sa bagong batas.
Ikinatuwa ng marami ang paglagda ni Pangulong BBM sa nasabing batas. Malaking tulong ito sa maraming magsasakang isa sa pinakamahihirap na sektor sa bansa. Gayunpaman, marami pa ring kailangang bantayan at pag-ibayuhin sa bagong batas. Narito ang tatlong pangunahing isyung nakikita ng mga magsasaka at NGOs sa pagpapatupad ng bagong batas.
Una, ayon sa Task Force Mapalad (o TFM), isang pederasyon ng mga magsasaka sa bansa, mayroon pang mahigit kalahating milyong ARBs na hindi makikinabang sa batas. Maiiwan ang mga magsasakang ito dahil hindi pa nila nakukuha ang kanilang Certificate of Land Ownership Award (o CLOA). Ang mga ARB na hawak na ang kanilang CLOA hanggang Disyembre 31, 2022 lamang ang pasók sa mga benepisyaryong makikinabang sa batas. Nanawagan ang TFM at iba pang organisasyon ng mga magsasaka na palawigin ang saklaw ng batas upang walang maiiwang ARB.
Ikalawa, nananawagan ang mga ARB na paigtingin ang pagbibigay ng mga suportang serbisyo sa kanila. Hindi natatapos ang repormang agraryo sa paglilipat ng pagmamay-ari ng lupa sa mga magsasaka. Kailangang mayroon silang sapat na kakayahang gawing produktibo ang kanilang lupa. Ilan lamang sa mga suportang serbisyong matagal ng hangad ng mga magsasaka ay kapital sa pamamagitan ng loans o grants, trainings, at pagkakaroon ng mga kagamitan sa sakahan.
Panghuli, kailangang mapatibay ang patakarang nagbabawal na ipagbili ng mga magsasaka ang kanilang lupa sa loob ng sampung taon. Bagamat walang malinaw na probisyon sa bagong batas tungkol dito, nakasaad ito sa Comprehensive Agrarian Reform Law. Hangarin ng patakarang ito na masigurong nasa pamamahala ng mga magsasaka ang pagpapaunlad sa lupa bilang bahagi ng pagbibigay-lakas sa kanila. Sa kasamaang palad, maraming negosyanteng sinasamantala ang kahirapan ng mga ARB at binibili ang kanilang lupa. Dahilan naman ito ng muli nilang pagiging mga tauhan sa sakahan o tuluyang pagkawala ng kabuhayan kapag iko-convert ang lupa para gawing subdivision o mall.
Binibigyang-diin ng mga panlipunang turo ng Simbahan ang mahalagang papel ng pamamahala sa pagtataguyod sa dignidad at kabutihan ng tao, lalo na ng mahihirap. Naniniwala ang ating Simbahang mahalaga ang pagkiling sa mahihirap at sa mga naisasantabi sa lipunan dahil taliwas sa magandang plano ng Diyos ang kanilang dinaranas.
Ang pagsasabatas sa New Agrarian Emancipation Act ay maituturing na hakbang tungo sa pagkiling sa mahihirap at naisasantabi. Gayunpaman, kailangan siguruhin ng pamahalaang walang maiiwang ARB at hindi maabuso ang batas. Maaari itong umpisahan ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa mga inihaing isyu ng mga magsasaka at organisasyong kaagapay nila.
Mga Kapanalig, paalala ni Hesus sa Mateo 25:40, “Tinitiyak ko sa inyo, yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa.” Nananatiling pinakahamak sa ating lipunan ang mga ARB na higit tatlong dekada nang inaasam mapasakanila ang lupang kanilang sinasaka. Nawa’y sa pamamagitan ng New Agrarian Emancipation Act at ng mga inihaing panukala ng mga magsasaka para pag-igihin ito ay makamit na nila ang pangarap nilang lupa.
Sumainyo ang katotohanan.