66,405 total views
Maligayang Pasko, mga Kapanalig!
“Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa ating piling.” Ito ang proklamasyon ng Mabuting Balita mula kay San Juan sa araw na ito. Tapos na ang paghihintay at paghahanda sa panahon ng Adbiyento. Narito na ang sanggol na si Hesus sa ating piling!
Isang malaking hamon na madamang tunay na kapiling natin Siya at mapunô ng pag-asa sa gitna ng mga pagsubok na ating hinaharap. Mayroon tayong kanya-kanyang suliranin sa kalusugan, trabaho, pera, at mga relasyon.
Kung titingnan pa ang ating lipunan ngayon, mas mabigat ang hamong maramdaman ang diwa ng Pasko. Patuloy ang kahirapan at kagutuman. Batay sa huling SWS survey, tinatayang nasa 22.9% ng mga pamilyang Pilipino (o katumbas ng anim na milyong pamilya) ang nakaranas ng gutom noong Setyembre. Ito na ang pinakamataas na self-rated hunger mula noong pandemya. Sa Visayas at Mindanao, halos dumoble ang bilang ng mga nagsabing nagutom sila. Ngayong panahon ng handaan, alalahanin nating maraming Pilipino ang kakaunti o, sa kasamaang palad, walang makain.
Nariyan din ang libu-libong kababayan nating nasalanta ng mga bagyo. Naaalala niyo ba ang sunud-sunod na bagyong pumasok sa bansa sa loob lamang ng halos isang buwan—mula sa Bagyong Kristine hanggang sa Bagyong Pepito? Maraming nasirang kabuhayan at ari-arian. Marami ring mga namatay dahil sa malakas na hangin at ulan, landslide, at pagbaha. Dagdag sa mga sakunang ito ang patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon sa Negros Occidental. Sa gitna ng mga kasiyahan natin, alalahanin nating marami pa sa ating mga kababayan ang patuloy na bumabangon mula sa iba’t ibang unos.
Sa labas ng bansa, hindi natatapos ang mga giyerang pumatay—at patuloy na pumapatay—sa libu-libong inosente, kabilang ang mga batang walang kalaban-laban. Tinatayang hindi bababa sa 45,000 na ang patay sa Gaza dahil sa giyerang sinimulan ng Israel. Patuloy din ang gulo sa Syria, Sudan, at Ukraine. Sa pagdating ni Hesus, ang Prinsipe ng Kapayapaan, alalahanin natin ang mga lugar na patuloy na nababalot na karahasan at may dumadanak na dugo.
Ipinaaalala sa mga panlipunang turo ng Simbahan na ang bawat isa sa atin ay buháy na imahe ng Diyos. Matatagpuan natin ang malalim at buong kahulugan ng pagiging imahe ng Diyos sa katauhan ni Hesus, ang perpketong imahe ng Ama. Sa pamamagitan ni Hesus, makikita kung paano tayo magiging katuwang ng Diyos sa pagbubuo ng Kanyang kaharian dito sa lupa. Isinilang Siya sa payak na sabsaban. Nakipagkaisa Siya sa mga isinasantabi ng lipunan. Nagsalita siya laban sa kawalan ng katarungan. Kumilos siya upang mamayani ang kapayapaan.
Ilan lamang ang nabanggit nating mga isyu sa mga tila nagpapahina sa ating pag-asa. Ang kahirapan, kagutuman, mga sakuna, at giyera, bagamat magulo at masalimuot, ay mga kalagayang piniling harapin ni Hesus. Bilang mga tagasunod Niya, hinahamon tayong harapin din ang mga ito nang punô ng pag-asa.
Kasabay ng pagdiriwang ng Pasko, binubuksan ng ating Simbahan ang Jubilee Year na may temang “Pilgrims of Hope.” Bilang pagninilay ngayong Kapaskuhan, tanungin natin: paano tayo magiging mga manlalakbay ng pag-asa sa gitna ng kahirapan, kagutuman, sakuna, at mga giyera? Paano natin pipiliin ang pag-asa? Paano tayo magiging instrumento ng pag-asa ngayong Kapaskuhan?
Mga Kapanalig, hindi madaling piliin ang pag-asa, lalo pa ang maging pilgrims of hope. Ngunit katulad ng Salitang naging tao at nanahan sa ating piling, maniwala tayong may magandang plano ang ating Ama. Magtiwala tayong bibigyan Niya tayo ng grasya upang mapunô ng pag-asa at lakas nang makakilos tayo para maibsan, kung hindi man mawakasan, ang kahirapan, kagutumuan, sakuna, at giyera sa ating mundo. Sa ganitong paraan, magiging tunay at makabuluhan ang pagdiriwang natin ng Pasko.
Sumainyo ang katotohanan.