186 total views
May isang pag-aaral na lumabas kailan lamang kapanalig, na nagsasabi na 19 sa ating mga ilog ay ilan sa mga daluyang tubig sa buong mundo na nagdadala ang mga plastic sa ating mga karagatan. Kasama sa mga ilog na ito ay Pasig, Tullahan, Meycauayan, Pampanga, at Libmanan.
Ang ilog, kapanalig, ay dapat daluyan ng buhay. Ang nangyayari sa ating mga ilog ngayon, pati na rin sa mga ilog sa iba pang bansa, ay nagiging himlayan na ng basura, mga basurang pumapatay sa mga isda at iba pang hayop at halaman sa mga ilog at dagat. Kada taon, 356,000 tonelada ang basurang karga at dala ng ating mga lokal na ilog sa mga karagatan.
Kalaunan, ang basurang ito ay lalason din ng ating buhay.
Ang basura sa ating kapaligiran ay mas lalong dumami ngayong pandemya. Naparami kasi ang online deliveries natin, kapanalig, at kadalasan, ang mga take out na pagkain natin ay gumagamit ay mga single-use plastics. Pati ang ating mga face-shields at face masks, dumagdag sa mga basurang sumasakal sa ating kapaligiran.
Ang mga single-use plastics ay gawa sa mga fossil fuel-based na materyal, at pagkatapos ng isang gamit, tapon na agad. Naiipon ng naiipon lamang sila kung saan-saan at nadaragdagan ng nadaragdagan. Kung akala natin na napahinga natin ang mundo dahil mas marami tayong nasa bahay, nagkakamali tayo. Mas dumami pa ang basura natin.
Kapanalig, isa man tayo sa malaking kontributor ng mga plastic wastes sa karagatan, ang aksyon laban dito ay hindi lamang dapat lokal. Ibig sabihin nito, national-level policy rin ang kailangan upang maisa-ayos natin ang waste management, at global-level action din ang kailangan upang magkaroon ng global na pamantayan at gabay upang mabawasan na at tuluyang matigil ang pag-gamit ng single-use plastics sa buong mundo.
Kapanalig, ang pagdami ng basura, lalo na ng mga single-use plastics ay hindi lamang isyung pang-kalikasan. Kung tutuusin, ito ay isyung personal at moral din. Nasasanay na tayo sa pag-gamit ng mga plastics at iba pang bagay na maaring makasama sa kapaligiran. Ni hindi natin iniiisip kung may mga masamang kahihinatnan ang mga ito. Tapon dito, tapon doon, o ayon nga sa Laudato Si – ang ating throwaway culture. Kapanalig, baka maumpisahan natin ngayon ang pagbabago, hindi man sa ating komunidad, bayan, o sa buong mundo, kundi sa ating sarili. Suriin natin, at pagnilayan kung paano natin mawawaksi ang “throwaway culture.” Simulan natin sa ating mga sarili.
Sumainyo ang Katotohanan.