287 total views
Mga Kapanalig, ikinabahala ng ilang senador ang kapansin-pansing pagdami ng mga Tsino sa ating bansa, partikular na rito sa Metro Manila, na lumalabas na mga ilegal na manggagawa pala. Kaya naman, nagpatawag ang Senado ng isang pagdinig noong nakaraang linggo upang alamin kung gaano ito katotoo.
At mismong ang Department of Labor and Employment o DOLE ang nagkumpirmang dumarami nga ang mga manggagawang Tsino sa Pilipinas. Karamihan sa kanila ay nagpupunta rito bilang mga turista at saka maghahanap ng trabaho (katulad ng ginagawa ng ilan nating kababayang nagbabakasakali sa ibang bansa). Halos kalahati sa mahigit 100,000 dayuhang nabigyan ng DOLE ng Alien Employment Permits mula 2015 hanggang 2017 ay mga Chinese nationals.
Hindi naman ipinagbabawal ng ating mga batas ang paghahanapbuhay rito ng mga dayuhan basta’t dumaan sila sa tamang proseso. Higit sa lahat, hindi dapat nila naaagawan ng trabaho ang mga manggagawang Pilipino. Sa ilalim ng ating Labor Code, mabibigyan ng permit ang mga dayuhan kung walang Pilipinong interesado o may sapat na kakayahan upang gawin ang isang trabaho. Kapag mayroon nang permit ang isang dayuhan mula sa DOLE, kukuha siya ng working visa mula sa Bureau of Immigration at Department of Justice. Ngunit, sa isinagawang pagdinig sa Senado, napag-alamang nagbibigay ang Bureau of Immigration ng special working permit kahit walang permit ang isang dayuhan mula sa DOLE. Kailangan din itong ungkatin ng Senado.
Karamihan sa mga nabigyan ng special working permits ay nagtatrabaho bilang mga POGOs o Philippine Offshore Gaming Operators. Sila ang nagpapatakbo ng e-gaming o foreign online casino o pagsusugal gamit ang internet, at mga mayayamang Tsino rin ang mga kliyente nila. Dahil sa paglago ng negosyong ito, marami sa mga Tsinong operators ang nagdadala rito ng mga kababayan nila upang gawing empleyado. Kabilang sila sa 119,000 na dayuhang nabigyan ng special working permits ng Bureau of Immigration.
Hindi ba kaya ng mga Pilipino ang kanilang ginagawa? Wala bang Pilipinong interesado sa trabahong ito? Sa tinatayang 9.8 milyong Pilipinong walang trabaho, tiyak na mayroon sa kanilang maaari at interesadong magtrabaho.
Ang paghahanapbuhay ng mga tao sa ibang bayan—gaya ng ginagawa ng ating mga OFWs at ngayon nga ay ng mga Tsino rito sa atin—ay bahagi ng modernong globalisasyon, ang proseso ng pag-uugnayan ng mga tao, mga negosyo, mga pamahalaan, at halos lahat ng aspeto ng buhay natin dala na rin ng makabagong teknolohiya. Sa aspeto ng paghahanapbuhay, halimbawa, mas madali na para sa mga tao ang mangibang-bayan, bagamat nariyan pa rin ang mga regulasyong ipinapataw ng mga bansang pupuntahan nila.
Ngunit paalala nga sa mga panlipunang turo ng Simbahan, dapat nating bantayan na hindi masisira ng negatibong aspeto ng globalisasyon ang dangal ng paggawa at ang katotohanang magkakasama tayong mga tao—saang bansa man tayo nagmumula—sa iisang misyon sa mundong ito. Sa isang banda, dapat tiyaking makatao ang trato sa mga manggagawang dayuhan, gaya ng lagi nating panawagan sa mga bansang may mga OFWs. Sa kabilang banda, hindi dapat makapaminsala sa kabuhayan ng mga manggagawa ng isang bansa ang pagpasok ng mga dayuhang manggagawa.
Mga Kapanalig, hindi sana masentro ang usaping ito sa pagkamuhi nating mga Pilipino sa mga Tsinong manggagawa. Sa halip na ikahon agad ang isyu bilang mistulang “pananakop” ng ibang bansa gaya ng pinalulutang ng ilan, dapat nakatuon ang imbestigasyon ng Senado sa pag-alam kung bakit mukhang napakadali sa mga dayuhan ang kumuha ng permit upang makapagtrabaho rito. Bakit nakalulusot ang mga ilegal na dayuhang manggagawa? Anu-ano ang dapat gawin upang matiyak na nabibigyan ng pantay na pagkakataon ang mga Pilipino at dayuhan na magkaroon ng trabaho sa ating bansa? Ang mga ito sana ang tutukan ng ating mga senador.
Sumainyo ang katotohanan.