216 total views
Mga Kapanalig, inumpisahan kasabay ng pagsisimula ng Setyembre ang pagdiriwang ng Simbahang Katolika sa Season of Creation. Nagsimula ito noong unang araw ng Setyembre o ang Day of Prayer for Creation at matatapos sa ika-4 ng Oktubre o ang kapistahan ni St. Francis of Assisi, ang patron ng mga hayop at kalikasan. Dito sa Pilipinas, aabot hanggang sa ikalawang linggo ng Oktubre o sa Indigenous People’s Sunday ang pagdiriwang ng Season of Creation.
Mahalaga ang partisipasyon sa pagdiriwang na ito ng mga mananampalataya sa gitna ng kritikal na kalagayan ng ating kalikasan. Noong isang linggo lang, inilabas ng Botanic Gardens Conservation International ang report nito na pinamagatang State of the World’s Trees. Ayon sa report, 17,500 ng tree species o halos 30% ng kabuuang species ng puno sa mundo ay mataas ang tiyansang maglaho na. Ibig sabihin, tuluyan nang mawawala o magiging extinct ang mga species na ito. Dagdag pa rito, 50 na lang sa mahigit 400 na species ng puno ang natitira sa mga kagubutan. Crop production o pag-aani, logging o pagtotroso, livestock farming o pag-aalaga ng hayop, at ang patuloy na pagtindi ng climate change ang ilan sa mga pangunahing banta sa tuluyang pagkalaho ng mga puno.
Dito sa Pilipinas, may iba’t ibang banta sa ating kalilkasan ang dapat tugunan. Noong isang linggo, nagpahayag ng pakikiisa si Archbishop Jose Palma ng Cebu sa lumalawak na panawagang huwag ituloy ang 174 ektaryang reclamation project sa Dumaguete City. Layunin ng 23-bilyong pisong proyekto na magkaroon ng “Smart City” sa siyudad na mangangailangan ng pagtatambak sa apat na marine protected areas at pagsira sa mahigit 200 species ng isda.[3] Sa Palawan naman, nagpahayag ng pangamba ang mga katutubo sa tumitinding kaso ng illegal logging sa kanilang mga lupang ninuno, partikular na sa Abukayan village. Sa tantya nila, hakbang ito sa posibleng pagbabalik ng minahan sa kanilang komunidad matapos bawiin ni Pangulong Duterte ang moratarium sa pag-iisyu ng mga bagong mining permits.
Ang pangangalaga sa kalikasan ay nanatiling malaking hamon. Ipinaaalala sa atin ng mga panlipunang turo ng Simbahan ang kritikal na papel ng bawat mananapalataya sa pagtataguyod ng integridad ng sanilikha. Kinakailangang maging malay tayo sa kahalagahan ng bawat nilalang, at mapanuri sa kung paano natin ginagamit at pinakikinabangan ang mga biyayang ito. Ang tao ay hindi nilikhang hiwalay sa kalikasan. Ibig sabihin, lahat ng ginagawa ng tao ay may epekto sa mga hayop, kagubatan, katubigan, hangin, at iba ba. Lahat tayo ay magkakaugnay. Ang kapinsalaan ng kalikasan ay babalik din sa atin.
Kaya naman, mahalaga ang pakikilahok ng halos 2.2 bilyong Kristiyano sa buong mundo upang tunay na maging makabuluhan ang pagdiriwang natin ng Season of Creation. Layunin ng Season of Creation na kilalanin ang mahalagang ugnayan ng kalikasan, tao, at Tagapaglikha. Sa mahigit isang buwan, inaasahang pag-usapan ang kalagayan ng sanilikha at mga hakbang na kailangan at maaaring gawin ng mga mananampalataya upang maprotektahan ang biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Sa munting paraan may magagawa ang bawat isa sa atin—mula sa pagiging responsible sa ating pagkonsumo, maayos na pagtatapon ng basura, at palalimin pa ang ating kaalaman sa kalagayan ng ating kalikasan at kung paano tayo makatutulong. Maaari tayong sumuporta sa mga organisasyong kumikilos at nagsusulong ng mga patakarang layong protektahan ang kalikasan.
Mga Kapanalig, ayon nga sa Mga Awit 24:1, “Ang buong daigdig at ang lahat ng naroon, ang may-ari’y si Yahweh na ating Panginoon.” Sa ating pagdiriwang ng Season of Creation, nawa ay patuloy nating pagnilayan ang katotohanang hindi natin pag-aari ang kalikasan. May malalim tayong ugnayan dito. Ang buhay natin ay karugtong ng sanilikha.