499 total views
Ito ang pagninilay ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon.
Ayon sa Obispo, ang pagtaas ng sarili sa pamamagitan ng kayabangan ay nagbubunga ng kasalanan na dahilan ng higit na pagkawalay sa Panginoon.
Iginiit ni Bishop David na sa halip na tumaas ay bumababa lamang ang dangal ng isang taong itinataas ang sarili.
“Kapag itinataas ng tao ang sarili niya sa kayabangan, ang ibinubunga nito ay K din, as in KASALANAN. Nalalayo siya o nawawalay sa Diyos. Imbes na tumaas, bumababa ang ating dangal. Ang pagmamataas ay nagpapababa sa ating pagkatao,” pagninilay ni Bishop David.
Paliwanag ng Obispo, bahagi ng diwa ng pag-akyat sa langit ng Panginoon ay ang usapin ng pagbaba ng pagkatao ng sangkatauhan dahil sa pagmamataas na dulot ng tukso na magkunwaring Diyos o magdiyos-diyosan.
Tinukoy ni Bishop David na kung matukso ang bawat isa sa kanyang tinaguriang tatlong delikadong ‘K’ na kapangyarihan, kayamanan at katanyagan ay mawawala ang “Tatlong Tunay na K” sa mata ng Diyos ang kabutihan, kagandahan at katotohanan na pawang mga pundasyon ng tunay na karangalan ng bawat nilalang.
“Ito naman talaga ang background ng Ascension: ang pagbaba ng ating pagkatao dahil sa pagmamataas, dahil sa pagkahulog ng tao sa tukso na magkunwaring Diyos o magdiyos-diyosan. Ito kasi ang nangyayari kapag nahuhumaling ang tao sa makamundong kapangyarihan, kayamanan at katanyagan, ang tinatawag kong “Tatlong Delikadong K.” Noon siya nawawalan ng “Tatlong Tunay na K” sa mata ng Diyos — kabutihan, kagandahan, katotohanan — ang mga pundasyon ng tunay nating karangalan,” dagdag pa ni Bishop David.
Iginiit ng Obispo na walang ibang magtataas sa tao kundi ang Panginoong Diyos.
“Ang ‘Ascension’ ay pagtataas ng Ama kay Kristo dahil sa kanyang pagpapakumbaba. Walang magtataas sa tao kundi ang Diyos mismo. Tulad ng nasabi ko sa simula, hindi natin dapat itaas ang ating sariling bangko. Pagyayabang iyon,” paglilinaw ng Obispo.