231 total views
Mga Kapanalig, ikinalulungkot at ikinababahala ng ating Simbahan ang pagpaslang na naman sa isang pari noong isang linggo. Pinatay si Fr. Richmond Nilo ng Diyosesis ng Cabanatuan habang naghahanda para sa Banal na Misa sa isang kapilya sa Zaragoza, Nueva Ecijia. Siya ang ikatlong paring pinatay sa loob lamang ng anim na buwan. Unang pinatay si Fr. Marcelito Paez sa Jaen, Nueva Ecija noong Disyembre at si Fr. Mark Ventura sa Gattaran, Cagayan noong Abril. Maliban sa tatlong pinatay na pari, pinagtangkaan ding patayin si Fr. Rey Urmenta sa Laguna dalawang linggo na ang nakararaan. Sa kabutihang palad, naisugod siya agad sa ospital at nakaligtas. Noong Biyernes, isa sa mga suspect sa pagpatay kay Fr. Richmond ay nahuli na; samanatla, patuloy namang mailap ang hustisya para kina Fr. Tito at Fr. Mark.
Sa pagtindi ng kultura ng karahasan at impunity sa ating bansa, nakababahalang maging ang mga pastol ng ating Simbahan ay nagiging target na rin. Itinalaga pa naman ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ang taóng ito bilang “Year of the Clergy and Consecrated Persons”. Ito ang ikaanim na taon mula nang umpisahan ng ating Simbahan ang paghahanda para sa pagdiriwang ng ikalimandaang taon ng pagdating ng Kristiyanismo sa ating bansa. Sa taóng ito, hangad natin sa ating mga dasal at gawain sa Simbahan na maging mga “renewed servant–leaders for the new Evangelization” ang mga pari at ang mga nasa buhay-relihiyoso upang tunay silang maging mga tagapaghatid ng Mabuting Balita.
Ito ang hamong niyakap ng mga pinaslang na pari. Hindi po sila perpekto. Sila’y nagkakasala rin at may mga pagkukulang bilang tao at ating mga pastol, ngunit hindi po mabubura ng anumang matrix o pang-iintriga ang kanilang masigasig na pagsasabuhay ng Mabuting Balita. Si Fr. Tito ay kilaláng tagapagtanggol ng mga karapatan ng mga magsasaka, maralitang tagalungsod, at maging ng mga political prisoners. Si Fr. Mark naman ay aktibong lumaban sa pagmimina at naging kaagapay ng mga organisadong katutubo sa Cagayan. Samantalang, si Fr. Richmond ay tumutulong sa mga naaagrabyado dahil sa alitan sa lupa at sa mga kabataang biktima ng pang-aabuso. Dahil sa karahasan, nawalan ang mga grupong kasama nila sa mga adbokasiyang ito ng matapat na kakampi.
Mga Kapanalig, katulad ng pagpapahirap hanggang sa pagpapapako kay Kristo, kawalan ng katarungan din ang pagpatay sa kanyang mga tinaguriang “kinatawan.” Hindi kailanman magiging tama ang pagpatay—pari man, kriminal, o adik. Patuloy na ihahayag ng Simbahan: sagrado ang buhay at walang sinuman ang maaring magtakda ng kamatayan ng kanyang kapwa.
Patuloy din nating hinihikayat ang mga punong-lingkod ng ating Simbahan, kasabay ng pagtatalaga ng taóng ito para sa atin. Huwag tayong matakot na maging instrumento ng Diyos sa pagbibigay liwanag sa ating lipunang nababalot ng dilim. Sa pagpapahayag natin ng Mabuting Balita at paninindigan para sa kung ano ang tama, totoo, at makatarungan, nagagampanan ng Simbahan ang tungkuling ipahayag ang kalayaan at kaligtasang kaloob ni Kristo nang inialay niya ang Kanyang buhay. Hindi madali ang pagpapahayag ng Mabuting balita dahil kaakibat nito ang pagtatanim sa puso ng mga tao ng kahulugan at kalayaang matatagpuan sa Ebanghelyo, nang sa gayo’y maitaguyod natin ang isang lipunang nakaayon sa kalooban ng Diyos. Samakatuwid, gawain ng Simbahang bumuo ng lipunang makatao, kahit pa buhay ang maging kapalit nito.
Mga Kapanalig, ang mabigat na tungkuling ito ay hindi lang nakaatang sa inyong mga pastol; kabahagi ang lahat sa misyong ito. Sa panahong tila pinipilay ang ating mga pastol, tumindig tayo sa kanilang mga tabi. Manawagan tayo para sa katarungan. Ipagpatuloy natin ang laban nina Fr Richmond, Fr. Tito, at Fr. Mark, at sa paraang ito, tayo ay magiging isang Simbahang tunay na isinasabuhay ang Mabuting Balita.
Sumainyo ang katotohanan.