331 total views
Mga Kapanalig, noong nakaraang linggo ay tinalakay natin sa isang editoryal ang pagtangis ng kalikasan dahil sa malawakan at mapaminsalang pagmimina. Kung magpapatuloy ang paninindigan ng kalihim ng DENR sa ipahinto ang operasyon ng malalaking mining companies, masasabi nating maiibsan na ang kanyang pagdurusa.
Ngunit may isa pang dahilan kung bakit tumatangis ang ating kalikasan: ang pagpatay sa mga taong ipinagtatanggol siya. Gaya na lamang ni Atty. Mia Manuelita Mascariñas-Green, isang environmental lawyer na noong isang linggo ay inihatid na sa kanyang huling hantungan. Si Atty. Mascariñas ay isang abogadang nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at pagtataguyod ng karapatang pantao. Noong ika-15 ng Pebrero, binaril siya ng mga suspek na riding-in-tandem habang nagmamaneho pauwi sa kanyang bahay sa Bohol kasama ang kanyang tatlong anak. Ang mga pinaghihinlaang mastermind sa krimen ay ang mga kalaban ng kanyang kliyente sa isang kasong may kinalaman sa agawan ng ari-arian. Kasalukyan nang iniimbestigahan ang mga nadakip na suspek.
Bagamat hindi direktang iniuugnay ang krimen sa kanyang adbokasiya, labis na ikinalungkot ng mga environmental groups ang ginawang pagpatay sa isa nilang kasangga. Malaking kawalan si Atty. Mascariñas para sa kanyang mga kasama sa adbokasiya. Maliban sa kakaunti na ang mga taong handang mag-alay ng husay at lakas para sa kalikasan, hindi madali ang mga labang sinusuong nila. Kinakailangan nilang kausapin (at kung minsan ay banggain) ang mga malalaking kumpanya at makapangyarihang pulitikong may vested interests sa mga industriya o negosyong may negatibong epekto sa kalikasan. Ito, mga Kapanalig, ang anggulong madalas tingnan sa tuwing may mga environmentalists na pinapaslang.
Noong 2015, nakapagtala ang grupong Global Witness ng 185 environmental activists na pinatay sa iba’t ibang bansa, kaya’t itinuring ang taóng iyon bilang “deadliest year” para sa mga environmentalists. Pumangalawa ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang may pinakamaraming pinaslang na environmentalists. Ayon naman sa grupong Kalikasan, na nagmo-monitor sa panggigipit at pagpaslang sa mga enviroment campaigners sa ating bansa, karagdagan si Atty. Mascariñas sa 112 na napatay sa nakalipas na 15 taon. Labindalawa sa kanila ay pinatay sa loob ng unang pitong buwan ni Pangulong Duterte.
Mga Kapanalig, nakalulungkot at nakababahala ang humahabang listahan at lumalaking bilang ng mga pinapatay na tagapagtanggol ng kalikasan. Malaking kawalan din sila sa ating mga kasapi ng Simbahan, lalo na’t sa mga panlipunang katuruan nito o Catholic social teaching, malaki ang pagpapapahalagang ibinibigay natin sa mga nilikha ng Diyos. Gaya ng mensahe ni Pope Francis sa kanyang encyclical na Laudato Si’, ang kalikasan ay biyayang ipinagkaloob ng Diyos hindi upang abusuhin sa ngalan ng ating mga pansariling kagustuhan kundi upang parangalan din ang Panginoon. Kaya’t mahalaga ang mga nagtatanggol sa ating kalikasan dahil ipinahihiram nila ang kanilang boses sa mga nilalang ng Diyos sa mga kabundukan at karagatang araw-araw ay nanganganib na maubos at maglaho. Sa kanilang pagtatanggol sa sanilikha, itinataguyod din nila ang buhay.
Mga Kapanalig, sinasalamin ng pagpatay sa mga tagapagtanggol ng kalikasan ang kakayahan ng ibang taong abusuhin ang kanilang kalayaan sa ngalan ng pansariling interes at kasakiman. Environmentalist o ordinaryong tao man ang biktima ng pagpaslang, nakikita natin kung saan maaaring humantong ang kawalan natin ng paggalang sa buhay at dignidad ng ating kapwa. Kung susuriin din, ang pagpatay sa isang tao at ang pagsira sa kalikasan ay kapwa patunay ng pagmamataas nating mga tao, ng pananaw na tayo ay nakahihigit sa iba at sa sanilikha.
Ipagdasal natin ang mabilis na paglutas sa kaso ni Atty. Mascariñas, gayundin ang pagbabago ng mga kapatid nating nagagawang pumatay (o magpapatay) dahil nabababalot ang kanilang kalooban ng kasakiman. Huwag na rin sanang madagdagan pa ang bilang ng mga pinapatay na tagapagtanggol ng kalikasan.
Sumainyo ang katotohanan.