176 total views
Mga Kapanalig, nakapanlulumo ang mga video at larawang kuha noong isang linggo sa pangunahing airport ng Kabul, ang kapitolyo ng Afghanistan. Makikita sa mga iyon ang mga Afghan na desperadong makaalis ng kanilang bansa at pilit na sumabit sa gilid ng isang US military plane na papaalis noon. Dalawa ang nahulog at namatay. Dumagsa ang daan-daang mamamayan ng Afghanistan sa paliparan matapos sakupin ng Taliban ang lungsod.[1]
Sinasabing simbolo ang nangyayari ngayon sa Afghanistan ng kabiguan ng mga bansa sa Kanluran—sa pangunguna ng Estados Unidos—na itatag ang isang demokratikong pamamahala sa bayang pinasok ng mga ito dalawampung taon na ang nakalilipas. Nagsimula ito sa “war against terror” na inilunsad ng Amerika matapos ang September 11 terror attacks na ginawa ng grupong al Qaeda ni Osama Bin Laden. Si Bin Laden ay kinukupkop noon ng mga Taliban, isang kilusan ng mga nais magtatag ng isang bansang istriktong pinatatakbo sa ilalim ng Sharia o Islamic law.
Sumikat ang mga Taliban noong dekada ’90 dahil sa paglaban nila sa katiwalian at pagpapanatili ng kapayapaan sa mga lansangan. Ngunit kilala rin sila sa marahas na pagpaparusa alinsunod na rin sa kanilang istriktong interpretasyon ng Sharia. Pinapatay sa harap ng publiko ang mga mapatutunayang pumatay at nangangalunya. Pinuputulan ng mga kamay ang mga magnanakaw. Kailangan ding sumunod ang mga tao sa kung ano ang pinaniniwalaan ng mga Taliban na nararapat para sa mga lalaki at babae. Ang mga lalaki ay kailangang magpatubo ng balbas, habang ang mga babae ay dapat balót na balót sa burka. Bawal din sa mga Taliban ang mga libangang katulad ng TV at pelikula. Ang mga batang sampung taong gulang pataas ay hindi pinapayagang mag-aral, at ang mga babae ay hindi maaaring bumoto. Marami sa mga patakaran at paniniwala ng Taliban ay itunuturing na labag sa karapatan at dignidad ng tao.
Ang palayain ang mga Afghan sa ganitong di-makataong kalagayan ang ginamit ng Amerika at mga kaalyado nitong bansa upang mistulang sakupin ang Afghanistan, bagamat malinaw na ang pangunahing layunin nila ay ang maghiganti. Itinatag din ng mga bansang ito ang Afghan National Army sa layuning palakasin ang pamahalaan ng Afghanistan. Habang may naranasang positibong pagbabago ang mga Afghan, nanatiling banta sa kanila ang Taliban—hanggang sa maganap na nga ang unti-unting pagbabalik nila sa Afghanistan.
Hindi ito ang inaasahang mangyari ng Amerika sa pag-alis nito sa Afghanistan. Nabigla rin daw ito sa mabilis na pagbabalik ng Taliban. Bagamat ikinalulungkot ng administrasyong Biden ang nangyayari, ipinasa ng pangulo ng Amerika ang sisi sa mga lider ng Afghanistan na piniling tumakas at sa pagbabantulot ng Afghan National Army na labanan ang militanteng grupo.
Mukhang hindi matanggap ng Amerika at mga kaalyado nito na ang pagbabalik ng Taliban—at posibleng pag-usbong muli ng mga tinatawag na extremist groups—ay bunga rin ng kanilang kapabayaan at hindi pagtuon sa tunay na kaunlaran ng mga taga-Afghanistan. Nasa 47% ng populasyon ang nasa ilalim ng poverty line at marami ang walang trabaho. Nasa 10 milyon ang hindi marunong magbasa at magsulat. Maraming kabataang babae pa rin ang hindi nakakatungtong sa paaralan. Yumaman ang mayayaman, lalong naghirap ang mahihirap.
Mga Kapanalig, sabi nga ni Pope Paul VI, “If you want peace, work for justice.” Kahalintulad nito ang nasasaad sa Isaias 32:17: “ Ang bunga ng katuwiran ay kapayapaan; at ito’y magdudulot ng katahimikan at pagtitiwala magpakailanman.” Dekada ang bibilangin upang maitatag ang isang makatarungan at mapayapang Afghanistan, ngunit kahit gaano man ito katagal, kung ang atensyon lamang lagi ay ang pagpapalakas ng militar—na hindi rin naman nakamit sa Afghanistan—hindi na kataka-taka ang pagbabalik ng Taliban. Mistulang tinalikuran ng mundo ang Afghanistan.