544 total views
Mga Kapanalig, itinalaga ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ang ikatlong linggo ng buwan ng Oktubre bilang Linggo ng Pangisdaan. Ngayong taon, ang tema nito ay “Malinis at Masaganang Karagatan Tungo sa Mas Masiglang Pangisdaan.” Sa darating na Biyernes, huling araw ng pagdiriwang, pararangalan ng Department of Agriculture o DA ang mga pamayanang napanatiling malinis at masagana ang kanilang karagatan. Tatagurian silang mga “Kabalikat sa Pangisdaan.”
Isa lamang ito sa napakaraming hakbang na BFAR upang itaguyod ang kahalagahan ng pagpapanatiling nasa maayos na kalagayan ng ating mga karagatan. Tunay nga namang malaking bahagi ng ating populasyon ang nakasalalay ang pamumuhay sa pangingisda: ang Pilipinas ay isang kapuluan o archipelago na binubuo ng mahigit 7,000 isla, at lampas kalahati ng mahigit sa 1,500 na munisipyo at siyudad sa ating bansa ay may nasasakupang katubigan. Nakalulungkot nga lamang isipin, mga Kapanalig, na ang mga kababayan nating mangingisda ang isa sa mga pinakamahirap na sektor sa ating lipunan.
Ang BFAR, na nasa ilalim ng DA, ang inatasang magpatupad ng mga pambansang programang pampangisdaan alinsunod sa Republic Act 8550 o ang Batas Pangisdaan ng Pilipinas ng 1998. Binibigyang-diin ng batas na ito ang lahat ng aspeto ng pangisdaan ng bansa kasama na ang paggamit o utilization, pamamahala o management, pagpapaunlad o development, pangangalaga o conservation, at pagkalinga o protection ng yamang-dagat. Nito lamang nakalipas na taon, naisabatas ang Republic Act 10654 na naglalayong palakasin ang Batas Pangisdaan upang sawatain ang mga tinatawag na “illegal, unreported and unregulated fishing.” Itinatakda ng inamyendahang batas ang mas mataas na halaga ng kaparusahan o penalty na sapat upang pigilan at magdalawang-isip ang sinumang may intensyong sumira at umabuso sa ating karagatan.
Kinikilala rin ng Batas Pangisdaan ang awtonomiya o ang karapatang magpasya ng mga pamahalaang lokal o local government units, kung kaya’t sila ay binibigyang kapangyarihang pangasiwaan ang tinatawag na municipal waters, ang katubigang nakapaloob sa 15 kilometro mula sa pampang. Ang municipal waters ay ilalaan lamang sa mga maliliit na mangingisda at ipinagbabawal doon ang pangingisda ng mga komersyal na pamalakaya. Kung BFAR ang pangunahing ahensya sa mga usaping pangisdaan sa pambansang nibel, ang mga Fisheries and Aquatic Resources Management Councils o FARMCs ang nakatutok sa mga ito sa antas ng mga bayan at lungsod. Ang isang FARMC ay binubuo ng mga kinatawan ng mga grupo ng mga mangingisda, mga nongovernmental organizations, at ng mismong lokal na pamahalaan. Tungkulin ng mga FARMCs na pamunuan, panatilihin, paunlarin, at pangalagaan ang bahagi ng yamang-dagat kinasasakupan ng kanilang bayan.
Ang halimbawang ito ng pagbibigay kapangyarihan at tungkulin sa bawat miyembro ng isang pangisdaang-komunidad ay isa sa mga prinsipyo ng panlipunang turo ng Simbahan o Catholic social teaching. Ayon sa Compendium of the Social Doctrine of the Church, ang prinsipyo ng pakikilahok ng bawat mamamayan sa iba’t-ibang gawin—bilang indibidwal man o kabilang sa isang pangkat, sila mismo o sa pamamagitan ng kanilang mga kinatawan—ay nakaaambag sa kultural, ekonomiko, pulitikal, at panlipunang buhay ng pamayanan kung saan siya nabibilang. Ayon pa rito, ang pakikilahok ay isang tungkulin na dapat tuparin ng lahat nang may pananagutan at may pagtanaw sa kabutihang panglahat o common good. May mga karapatan at kaakibat na tungkulin ang mga mamamayan—kabilang siyempre ang mga mangingisda at mamamalakaya—na hubugin ang kanilang kaunlaran sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa pampublikong pagpapasyang may kinalaman sa buong sambayanan.
Mga Kapanalig, tunay na makabuluhan at nararapat na parangalan ang mga “Kabalikat ng Pangisdaan”. Hindi lang dahil ipinagdiriwang nito ang pagbibigay-kapangyarihan sa taumbayan, kundi kinikilala rin nito ang mismong pagtugon ng mga pamayanang ito sa pananagutan nilang makilahok tungo sa kapakanan ng lahat. Magpatuloy at lumawak pa nawa ang ganitong uri ng pagtutulungan ng pamahalaan at ng mga mamamayan.
Sumainyo ang katotohanan.