243 total views
Mga Kapanalig, nabalitaan ba ninyo ang plano ng Department of Trade and Industry (o DTI) na magkaroon ng “standards” o mga pamantayan sa pagluluto ng adobo?
May mga natawa at nainis dahil sa dami ng suliranin ng bansa, ito pa ang naiisip gawin ng kagawaran. May mga naguluhan din dahil matapos imungkahi ni DOLE Secretary Silvestre Bello na huwag nang gawing requirement ang board at bar exams, heto naman ang DTI na gustong magkaroon ng mas mahigpit na pamantayan sa pagluluto ng adobo. Paliwanag ng DTI, makatutulong ito sa pagtataguyod ng ating mga produkto at pagbangon ng ekonomiya. ’Di nagtagal, binawi ng kalihim ng DTI ang sinasabing “standardization” ng adobo at sinabing gagawa na lamang ang ahensya ng “baseline” sa pagluluto ng adobo.
Sa gitna ng diskusyon tungkol sa pagkakaroon ng mga pamantayan para sa pagluluto ng isang putahe, marami ang nagtatanong: ano naman ang mga pamantayan natin sa ating mga lider?
Kasabay ng isyu sa adobo noong nakaraang linggo ang pagsulpot ng mga kandidatong tatakbo sa susunod na eleksyon. Una nang inilabas ng PDP-Laban ang senatorial bets nito. Nariyan ang mga opisyal ng administrasyon katulad ni Spokesperson Harry Roque at DPWH Secretary Mark Villar. Nasa listahan din ng partido ang mga artista at isang sikat na newscaster. Patuloy naman daw ang pag-iisip ng mag-amang Duterte kung tatakbo sila sa susunod na halalan.
Maliban sa partido ng pangulo, inanunsyo rin noong isang linggo nina Senador Ping Lacson at Senate President Tito Sotto ang kanilang tambalan para sa pinakamatataas na posisyon sa bansa. May listahan na rin sila ng plano nilang i-eendorsong mga senador na karamihan ay mga dati ng senador. Samantala, inaabangan pa rin ng ilan ang mga kandidatong susuportahan ng 1Sambayan mula sa mga inanunsyo nilang nominees katulad nina Vice President Leni Robredo, Senador Antonio Trillanes, at Atty. Chel Diokno.
Sa dami ng mga pangalang ito, ano nga bang pamantayan o “standards” natin sa pagpili ng mga lider natin? Susuportahan ba ng mga botante ang kasalukuyang administrasyon at mga ilang taon nang nanilbihan sa Senado? Magiging akma ba ang kakayahan ng mga artista sa gawaing ang layunin ay bumuo ng mga batas? Maisasakatuparan ba ng mga personalidad sa oposisyon ang mga pagbabagong inihahain nila? Kung nakikita ng ilang makatutulong ang magkaroon ng standards sa pagluluto ng adobo, hindi ba mas dapat tayong magkaroon ng mga pamantayan sa pagpili ng ating mga lingkod-bayan?
Naniniwala ang panlipunang turo ng Simbahan sa papel ng moral na aspeto sa panunungkulan bilang mahalagang pamantayan sa paglilingkod. Binubuo ang moral na aspetong ito ng layuning makibahagi sa pinagdaraanan ng taumbayan at tugunan ang mga suliranin ng bayan. Ibig sabihin, dapat gamitin ng mga nanunungkulan sa pamahalaan ang kanilang kapangyarihan sa makabuluhang paglilingkod sa kanilang mga pinaglilingkuran. Ang kanilang kapangyarihan ay mula sa taumbayan, kaya hindi ito kailanman dapat gamitin para sa kanilang pansariling interes. Ang pagiging lingkod-bayan ay pagsisilbi bilang isang instrumento tungo sa pagkamit ng kabutihang panlahat.
Mga Kapanalig, sa mga susunod na buwan, madagdagan pa ang pangalan ng mga kandidato. Darami rin ang batuhan ng putik sa pagitan ng mga naglalabang kampo, at aapaw ang matatamis na pangako ng mga kandidato. Higit na magiging mahirap para sa ating suriin kung sino sa kanila ang totoong magsusulong ng kabutihang panlahat. Kinakailangan ng aktibong pakikilahok ng taumbayan upang alamin kung totoo ang ating mga mababasa at maririnig. Tandaan natin ang pamantayang iniwan sa atin ni Hesus bilang ehemplo ng isang tunay na lingkod-bayan. Katulad ng sinabi niya sa Lucas 22:26, “…ang pinakadakila ang dapat lumagay na pinakamababa, at ang namumuno ay maging tagapaglingkod.”