322 total views
Mga Kapanalig, nanawagan sa mga mambabatas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (o SONA) na repasuhin ang Fisheries Code. Inilalatag ng Fisheries Code ang mga probisyong naglalayong protektahan at itaguyod ang mga pangisdaan sa bansa, kasama na ang mga naghahanapbuhay sa mga ito. Naisabatas ang Fisheries Code noon pang 1998 at unang inamyendahan noong 2015. Para kay PBBM, panahon nang repasuhing muli ang batas upang mapaigting ang pangangalaga sa ating mga pangisdaan sa paraang “science-based” o batay sa siyensya.
Bagamat maganda ang sinabing layunin ng pangulo, may mga grupo ng lokal na mangingisdang nangangambang magiging daan ang pag-amyenda sa batas upang itulak ng commercial fishers o iyong mga mangingisdang may mga bangkang mahigit 3 gross tons na pahinutulutan silang mangisda sa municipal waters.
Ang municipal waters ay tumutukoy sa katubigang nakapaloob sa 15 kilometrong layo mula sa baybayin. Ipinagbabawal ng Fisheries Code ang commercial fishers sa municipal waters maliban na lamang kung magpapasá ng ordinansa ang lokal na pamahaalang nakasasakop dito. Kinikilingan ng batas ang mga lokal na mangingisda sa paggamit sa municipal waters. Alinsunod ito sa probisyon ng Saligang Batas, sa ilalim ng Article XIII o Panlipunang Katarungan at Karapatang Pantao, na nagsasabing tungkulin ng Estadong protektahan ang karapatan ng “subsistence fishers” o ang mga mangingisdang umaasa sa karagatan para sa kanilang pagkain. Mangyayari ito sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng prayoridad sa pakikinabang sa ating mga pangisdaan.
Kaya naman, naninindigan ang mga lokal na mangingisdang sila lamang ang maaaring mangisda sa municipal waters. Bago pa ang panawagan ni PBBM na amyendahan ang batas, nagsasagawa na ng mga konsultasyon ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ng Department of Agriculture tungkol sa pag-amyenda sa Fisheries Code. Noong Mayo, naglabas ng pahayag ukol dito ang NGO na Oceana at ang mga lokal na mangingisda sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang manawagan para sa lubos at epektibong pagpapatupad sa Fisheries Code, hindi ang pagbabago rito. Naniniwala silang ang Fisheries Code at mga panuntunan nito ay tumutugon pa rin sa kasalukuyang kalagayan ng mga pangisdaan at mga pagbabago sa mga ito. Dagdag pa rito, kailangan ng sapat na oras at mas maayos na proseso ng konsultasyon sa pagrepaso sa batas. Halimbawa, mahalagang lumalahok sa pag-uusap ang mga science at technical experts, gayundin ang mga kinatawan ng mga kaugnay na ahensiya katulad ng Department of the Interior and Local Government, ang ahensyang pangunahing umaagapay sa mga lokal na pamahalaan. Dapat ding naririnig ang boses ng mga lokal na mangingisda.
Ang pagkiling sa lokal na mangingisda ay sang-ayon sa ilang prinsipyo ng panlipunang turo ng Simbahan. Naniniwala ang ating Simbahang mahalaga ang pagbibigay-atensyon sa mga pangangailangan ng mahihirap. Limitado kasi ang kanilang kakayanan upang itaguyod ang kanilang dignidad at dahil madalas silang nagiging biktima ng kawalan ng katarungan. Hindi lamang sa pagbibigay ng limos o pagkakawanggawa maaaring ipakita ang ating pagkiling at pag-ibig sa mga dukha; mahalaga ang pagsigurong makatarungan ang ating lipunan.3 Ang pagkiling sa mahihirap ay hindi pagbibigay sa kanila ng kung ano ang mayroon tayo. Ito ay pagsasauli ng dapat naman talaga ay kanila.
Mga Kapanalig, ang Fisheries Code ay isang konkretong instrumento upang maibigay sa mga lokal na mangingisda ang nararapat na sa kanila. Kung maipatutupad lamang ito nang wasto, higit na maipakikita ang tunay na pagkiling ng pamahalaan sa mga dukha. Katulad ng paalala sa Mga Kawikaan 22:22-23, “huwag kang magnakaw sa dukha sapagkat siya’y dukha… ipaglalaban ng Panginoon ang kanilang hangarin.” Nawa’y hindi maging daan ang pag-amyenda sa Fisheries Code upang manakawan ang mga lokal na mangingisda.
Simainyo ang katotohanan.