535 total views
Mga Kapanalig, kumalat noong isang lingo sa social media ang mga video ng mga kababayan nating dumagsa sa mga vaccination sites isang araw bago isailalim muli sa enhanced community quarantine o ECQ ang Metro Manila. Hindi inaasahan ng mga taga-lokal na pamahalaan ang nangyari. Sa Maynila, nasa isa hanggang dalawang libo kada araw lamang ang nababakunahan sa bawat vaccination site. Noong araw na iyon, tinatayang nasa pito hanggang sampung libo ang dumagsa sa isang vaccination site lamang.
Fake news ang itinuturong salarin sa insidenteng ito. May kumalat kasing balita na hindi raw mabibigyan ng ayuda ang mga hindi pa bakunado sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ. Sa hirap ng buhay at dami ng nawalan ng trabaho, marami ang nangangailangan ng ayuda mula sa pamahalaan. Isa pang maling balitang kumalat ay hindi maaaring lumabas ang mga taong walang bakuna kahit pa ang mga pumapasok sa trabaho. Ipatutupad daw ang “no jab, no work” policy, bagay na paulit-ulit pinabulaanan at sinabing iligal ng Department of Labor and Employment. Kung inyong matatandaan, mismong si Pangulong Duterte ang nagsabing hindi papayagang lumabas ang mga ayaw magpabakuna.
Nagdulot ang mga pekeng balitang ito ng takot sa marami, lalo pa sa mga mawawalan ng trabaho at mapagkakakitaan ngayong ECQ. Karamihan sa mga dumayo sa mga vaccination sites ay mula pa sa Cavite, Laguna, at Bulacan. Nananatiling mabagal kasi ang pagbabakuna sa mga probinsya dahil sa limitadong kapasidad ng mga lokal na pamahalaan at kulang na supply ng mga bakuna. Samakatuwid, ang nangyari sa Maynila at Las Piñas ay bunga rin ng hindi maayos programang pagbabakuna ng pamahalaan. Ang magulong komunikasyon ng pamahalaan at hindi malinaw na panuntunan sa pagbabakuna, pagbibigay ng ayuda, at pagpapatupad ng lockdown ay nag-ambag sa mabilis na pagkalat ng fake news.
Dahil sa insidente, ipinapanawagang imbestigahan ng National Bureau of Investigation ang pagpapakalat ng fake news at papanagutin ang mga nasa likod ng mga nito. Ipinaaalala rin ng Department of Health na iwasan ang mga ganitong pangyayari upang hindi maging superspreader events ang vaccination drive ng pamahalaan. Kinakailangang masiguro pa rin ang health protocols sa mga vaccination sites upang hindi maging mitsa ang mga ito ng lalong pagkalat ng COVID-19.
Binibigyang-diin ng mga panlipunang turo ng Simbahan na tungkulin ng bawat mananampalatayang maging saksi ng katotohanan. Kaakibat nito ang paghahanap, paggalang, at pagtataguyod sa kung ano ang totoo at tama. Dapat nating pairalin ang katotohanan sa ating pakikipag-ugnayan sa iba, katulad kapag tayo ay may ibinabahagi sa social media.
Katulad ng sinasabi sa Juan 8:32, “ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Malaya tayo kapag hinahanap natin ang katotohanan, at tinityak na tama at totoo ang mga binabasa at ibinabahagi nating impormasyon. Sa kaguluhang nangyari sa mga vaccination sites, makikita nating hindi lang mapagpalaya ang katotohanan. Mahalaga rin ito para mapangalagaan ang ating buhay sa gitna ng pandemya.
Mahalaga rin ang katotohanan sa pamamahala. Inaasahan nating ang mga lider mismo ang mangunguna sa pagsusulong ng katotohanan. Hindi katanggap-tanggap na sila mismo ang nagpapakalat ng fake news, na inihalintulad ni Pope Francis sa tusong serpyente sa Genesis. Huwag nating hayaang maging biktima tayo ng mga serpyente. Bilang mga Kristiyanong nagpapahalaga sa katotohanan, responsibilidad nating papanagutin ang ating mga lider sa mga sinasabi nilang mali at itama sila sa tuwing kasinungalingan ang lumalabas sa kanilang bibig.
Mga Kapanalig, maging aral nawa sa ating lahat ang nangyaring gulo noong isang linggo sa mga vaccination sites upang maging mas mapanuri tayo sa mga balitang nababasa natin. Magtulak din sana ito sa ating laging humingi ng pamamahalang iginagalang ang katotohanan.