775 total views
Kapanalig, ang pasko sa ating bansa ay pahinga para sa maraming tao. Ito ay panahon kung kailan makakasama natin ang mga mahal natin sa buhay. Ito ay panahon kung kailan time-out muna ang away, kaguluhan, at hinahakit.
Kaya lamang, para sa marami nating mga kababayan, ang pasko ngayong taon ay puno ng hirap at sakit. Binagyo ng ubod ng lakas ang malaking bahagi ng bayan. Maraming mga pamilya ang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa sakuna, at dahil na rin sa ayaw pang tumigil na pandemya. Kaya nga’t marami ang nagtatanong, ang holiday season ba ay na-cancel sa ating bansa ngayong taon?
Dahil sa Typhoon Odette, mahigit 1.08 milyong pamilya ang displaced o walang matirhan ngayon. Umabot na rin ng 397 ang namatay dahil dito. Sa pandemya naman, unti-unting tumataas ang positivity rate sa bansa, at mahigit 51,000 na ang namatay dahil sa COVID-19. Nais man ng marami na madama ang pasko, naging malamig lamang ito at napaka-lungkot.
Sa gitna man ng lahat ng kahirapan at dusa na ito, kailangan nating maipadama na ang pasko ay para sa lahat. Ang pagdiriwang ng kaarawan ni Hesus ay hindi lamang one-time event; hindi lamang ang araw na ito ang ating inaalala tuwing dumarating ang pasko. Ang buhay niya, puno man ng dusa tulad ng buhay natin, ang siya nating inaalala tuwing kapaskuhan.
Ang birthday ni Hesus ay badya ng pag-asa; badya ng simula. At eto tayo ngayon, tila nagsisimula, ulit hindi ba? Mula sa kawalan, tayo ay nilikha, at eto ulit, galing man sa kawalan, tumatayong muli.
Ang pagkadikit ng bagong taon at ng kapanganakan ni Hesus ay hindi isang aksidente. Ang pag-asa at pagbabago ay magkatuwang na mensahe ng ating kapaskuhan, ng ating holiday season.
Hindi man ito ang pasko ng ating mga pangarap, ito pa rin ay pasko ng pag-asa. Anuman ang karimlan na bumabalot sa ating paligid, huwag nating hayaan tuluyang mamatay ang ningas ng pag-asa sa ating puso.
Ayon nga kay Pope Francis sa kanyang Christmas Message ngayong 2021: Yet, in the heart of the night, look! The sign of hope! Today, “the Love that moves the sun and the other stars” (Paradiso, XXXIII, 145), as Dante says, became flesh. He came in human form, he shared in our plight and he broke down the wall of our indifference. In the cold of the night, he stretches out his tiny arms towards us: he is in need of everything, yet he comes to give us everything.
Sumainyo ang Katotohanan.