145 total views
Mga Kapanalig, ginugunita natin sa araw na ito ang International Day of Family Remittances. Layunin nitong bigyang-pugay ang mahalagang kontribusyon ng pagpapadala ng pera o remittances ng mga manggagawang nagtatrabaho sa malalayong lugar sa kabuhayan at kaunlaran ng kanilang pamilya. Nais kilalanin ng paggunitang ito ang katatagan ng mga migranteng manggagawa sa gitna ng kawalan ng seguridad sa ekonomiya, ng mga kalamidad, at maging ng pandemya.
Tinatayang mahigit 200 milyong migranteng mangagawa ang nagpapadala ng pera sa 800 milyong miyembro ng kanilang pamilya sa 125 low- hanggang middle-income na mga bansa. Sa katunayan, ang total global remittances o kabuuang perang padala sa mundo ay tatlong beses na mas mataas sa mga official development assistance o ang pinansyal na tulong at pautang ng mga bansa sa mahihirap na lugar. Noong 2020, kalahati ng remittances sa mundo ay napupunta sa mga pamilya sa kanayunan, kung saan matindi ang kagutuman at kahirapan, at sinasabing pinakakailangan ang remittances. Sa kabila ng pandemyang nag-umpisa noong nakaraang taon, bumaba lamang ng 1.6% ang remittances o 540 bilyong dolyar mula sa 548 bilyong dolyar noong 2019. Patunay ito ng mahalagang papel ng remittances sa buhay ng bawat pamilyang may migranteng manggagawa.
Dito sa Pilipinas, nasa 33.2 bilyong dolyar ang remittances noong 2020 na katumbas ng tinatayang 9.2% ng gross domestic product o kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyo mula rito sa Pilipinas. Noong 2018, 2.3 milyong Pilipinong manggagawa ang nasa ibang bansa o overseas Filipino workers. Bagamat may mga pag-aaral na nagsasabing nagdudulot ang remittances ng mas mataas na school spending at pagbaba ng child labor dito sa Pilipinas, may mga nagsasabing naging sanhi ang remittances ng mas mababang educational attainment. Iniuugnay ito sa kawalan ng gabay ng mga magulang. Ibig sabihin, sa kabila ng pera at kakayanang tumugon ng mga migrante sa materyal na pangagailangan ng kanilang mga pamilya ay mayroon silang ibang suliraning kinakaharap dala ng pagkakawalay sa kanilang mga mahal sa buhay.
Naniniwala ang mga panlipunang turo ng Simbahan na ang paninirahan sa ibang bansa upang makapaghanapbuhay ay isang pamamaraan upang makamit ang kaunlaran. Sa isang banda, pinupunô ng mga manggagawang migrante ang mga bakanteng posisyong nangangailangan ng paggawa sa mga bansang kanilang pinupuntahan. Sa kabilang banda, nabibigyan ng kabuhayan ang mga migranteng manggagawang karaniwan ay nagmula sa mahihirap na bansang walang sapat na oportunidad para sa kanila.
Kaya naman, patuloy na nanawagan ang Simbahan sa mga bansang tumatanggap at nagpapadala ng mga dayuhang manggagawa na siguruhing naigagalang ang kanilang dignidad at napoprotektahan ang kanilang mga karapatan. Tulad nga ng paalala sa Deuteronomio 24:14, “Huwag ninyong ipagkait ang kaukulang bayad sa inyong mahihirap at nangangailangang manggagawa, maging siya ma’y kapwa [Israelita] o dayuhang nakikipamayan sa inyo.” Samakatuwid, ang dignidad ng paggawa ay dapat na kinikilala, migrante man ang gumagawa nito.
Kasabay ng pagtiyak na napangangalagaan ang mga manggagawang migrante, hinihikayat din ng ating Santa Iglesia ang pagkakaroon ng mas maraming oportunidad upang makapaghanapbuhay sa mga bansang pinagmumulan ng mga migrante. Sa ganitong paraan, hindi sila mapipilitang mawalay sa kanilang mga mahal sa buhay upang kumita ng pera. Hindi masama ang mangibang-bansa, ngunit sana ay malayang mapipili ng mga manggagawang manatili sa bansa upang makamit ang kaunlarang hangad nila nang hindi nawawalay sa kanilang pamilya.
Mga Kapanalig, sa araw na ito, pinapasalamatan at ipinagdarasal natin ang mga migranteng mangagagawa sa ating mga pamilya. Kaugnay nito, maging katuwang sana nila tayo sa pagtataguyod ng kanilang mga karapatan. Tandaan nating ang perang kanilang ipinapadala ay bunga ng kanilang dugo at pawis, isang mukha ng pag-ibig sa kabila ng distansya.