630 total views
Kapanalig, pagdating sa kalusugan, marami sa ating mga Filipino ang may “bahala na” attitude. Maraming mga Filipino ang hindi maalam at mahilig sa mga wellness check-up o preventive care. Marami sa atin, kumu-konsulta lamang sa doktor kapag may nararamdamang sakit. May mga pagkakataon pa ngang mas gusto natin na bumili na lang ng over the counter medicines kaysa patingin sa doktor. Marami pa talaga tayong kailangang gawin upang mapaganda pa ang health-seeking behavior ng mga Filipino.
Ang health-seeking behavior, kapanalig, ay mga kaugalian at gawi natin na naglalayon na mapanatili ang ating kalusugan, gaya ng paghingi ng payo sa mga health experts tulad ng mga doctor at espesyalista. Ito ay ating mga gawain upang ma-prevent o mapigilan ang mga sakit.
May pag-aaral sa mga tuberculosis patients sa ating bansa na nagpapakita na ang social trust ay isang importanteng sangkap sa pagpapa-buti ng health seeking behavior ng mga tao. Mas maraming pasyente ang pumupunta sa mga health service professionals kapag mataas ang antas ng tiwala nila sa kanilang pamilya at kaanak. Maaaring ibig sabihin nito na pagdating sa mga nakakahawa at minsan ay nais nating itagong sakit gaya ng TB, kapag may tiwala sa pamilya, mas madaling na-address ang mga balakid sa pagpapa-check up at pagpapagaling ng mga pasyente. Ayon nga sa isa pang pagsusuri mula sa Stanford Medicine, pagdating sa mga sakit, malaking impluwensya ang pamilya sa mga desisyon ukol sa healthcare ng mga Filipino older adults.
Maliban sa hiya, ang gastos din ay isa sa mga maaring balakid sa health-seeking behavior ng mga Filipino. Sa bawat yugto ng pagpapanatili ng ating kalusugan, laging may gastos na katapat. Mula sa pagkain ng healthy food, pagbili ng gamot o supplement, check-up sa doctor, kailangan maglabas ng pera. Kaya nga’t maraming mga Filipino ang hindi nagpapagamot dahil sa takot sa gastos.
Ang hiya at takot ay malaking balakid sa kalusugan ng mga Filipino, lalo na sa mga lugar na hindi naabot ng mga health workers ng bayan. Napakahalaga ng information dissemination at mga medical missions sa ganitong mga lugar upang unti unti nating mapa-abot ang health care sa mas maraming tao. Kailangan ding mas gawing affordable ang health care para sa lahat upang mas maraming mga Filipino ang ma-engganyong magpatingin. Ang isang mainam na hakbang ay ang paglulunsad ng free annual medical check-ups para sa lahat ng Filipino. May mga batas na isinusulong ukol dito sa kongreso, kaya’t sana mapalago pa ito at maipasa para sa kabutihan ng mas maraming Filipino.
Kapanalig, ang ating kalusugan ay ang ating pangunahing yaman. Ito ang pundasyon para sa maayos at masiglang buhay. Kailangan mapangalagaan natin ito – at dapat, hindi nag-iisa ang mga mamamayan sa pagsasagawa nito. Ang estado ay siya dapat pangunahing kapartner ng mamamayan pagdating sa kalusugan. Sa isang pagpupulong ni Pope Francis sa mga health care workers sa Italia, nasabi niya ang ang “Cutting healthcare resources is ‘an outrage against humanity.” Sinabi rin niya na ang pagpapagaling ng tao mula sa sakit ay hindi lamang ukol sa panunumbalik ng kalusugan, ito rin ukol sa panunumbalik ng dignidad, pagbabalik sa tao sa komunidad, at pagbibigay buhay.
Sumainyo ang Katotohanan.