269 total views
Mga Kapanalig, nagbanta kamakailan si Pangulong Duterte na magtatatag siya ng isang “revolutionary government” o rebolusyonaryong pamahalaan kapag lumala raw ang aniya’y destabilisasyon sa kanyang administrasyon. Ito ang paraan niya upang pigilan ang mga nais pabagsakin ang pamahalaan lalo na kung hahantong ito sa kaguluhan.
Bukambibig na ng pangulo ang pagdedeklara ng revolutionary government bago pa man siya nanalo. Noong kampanya, sinabi niyang sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon, isasakatuparan niya ang mga pagbabagong nais niya para sa ating bansa. Ngunit kung hadlang daw ang kasalukuyang sistema ng pamahalaan, magdedeklara siya ng isang revolutionary government. Ipapa-padlock daw niya ang Kongreso, ipapasara ang mga hukuman, at hindi magdadalawang-isip na supilin ang demokrasya sa ngalan ng pagbabago.
Nakalilito at nakababahala ang mga salitang ito ng ating pangulo.
Nakakalito, dahil sarili niyang administrasyon ang gobyernong nais niyang palitan ng isang revolutionary government. Biglaan at radikal ang pagbabagong nais makamit sa isang revolutionary government na itinatatag ng isang grupong nagtagumpay na patalsikin ang isang rehimen bilang tugon sa kaguluhan at karahasang bunga ng hindi epektibong pamamahala ng mga namumuno. Mahigit isang taon na ang kasalukuyang administrasyon, at sa pagsasabing may pangangailangan para sa isang revolutionary government, sinasabi kaya ni Pangulong Digong na hindi gumagana ang sistemang pinatatakbo ng pamahalaan sa ilalim ng kanyang panunungkulan? Mukhang iba ang pakahulugan ni Pangulong Digong sa revoutionary government.
Maaari mang magtatag ng revolutionary government ang kasalukuyang administrasyon o hindi, nakababahala ang ganitong pamamalakad sa ilalim ng isang administrasyong walang pagpapahalaga sa tunay na demokrasya, sa kalayaan ng mga mamamayan, at sa buhay at dignidad ng mga tao. Maikli ang isang taon upang makita ang mga bunga ng positibong pagbabagong dala ng administrasyong ito, ngunit maraming pahiwatig na tayong nakikita na nakabatay sa karahasan at pagpapahina sa ating mga kalayaan ang direksyong nais tahakin ng kasalukuyang rehimen. Kung tototohanin ni Pangulong Duterte ang sinabi niya noong kampanya, baka mauwi tayo sa kalagayang katulad noong isinailalim ang ating bansa sa batas militar kung saan ipinasara ang kongreso at hudikatura. Hindi malayong mamayani ang isang diktadura katulad noong panahon ni dating Pangulong Marcos kung saan kinitil ang mga karapatang pantao, pinatikom ang mga kritiko ng estado, at hinayaang makinabang ang mga crony sa pamamagitan ng pangungurakot sa pamahalaan.
Kinikilala sa mga panlipunang katuruan ng Simbahan—katulad sa Centesimus Annus—ang potensyal ng isang demokratikong sistema ng pamahalaan upang isulong ang kabutihan ng lahat. Nangyayari ito sa pamamagitan ng pagbibigay sa taumbayan ng pagkakataong makilahok sa mga pampulitikang isyu ng lipunan at mapanagot ang mga iniluklok nilang maglingkod sa bayan. Hindi ito posible sa isang pamahalaang nakalagay lamang sa kamay ng iisang tao o grupo ang pagpapasya para sa lahat, sa isang pamahalaang walang paggalang sa proseso ng batas, sa isang pamahalaang walang pagkilala sa dignidad ng lahat ng tao.
Dagdag pa ni St John Paul II sa Centesimus Annus, “a democracy without values easily turns into open or thinly disguised totalitarianism.” Ang demokrasyang hindi nakabatay sa mga pinahahalagahan natin ay nagbabalatkayong totalitaryanismo.
Kaya’t maaari nating itanong: Ano ba talaga ang pagpapakahulugan ni Pangulong Duterte sa revolutionary government? Ano ang kaugnayan nito sa isinusulong din niyang pederalismo na maaaring magdulot ng malawakang pagbabago? Ano ang katiyakang magdadala ng kaunlaran sa ating bansa at maihahango ang ating mga kababayan sa kahirapan ang isang revolutionary government? O paraan lamang ito upang ang interes ng iilan ang mangibabaw at manaig?
Mga Kapanalig, maging mapanuri tayo sa mga pangako at plano ng ating mga namumuno, lalo na kung maaaring malagay sa alanganin ang ating kalayaan bilang mga mamamayan.