213 total views
Napag-isipan ko lang naman hindi upang pagtawanan kungdi upang makita iba pang kahulugan ng kapistahan ng ating pinagpipitaganang San Blas, patron ng mga may sakit sa leeg at lalamunan matapos niyang masagip sa kamatayan batang natinik ang lalamunan.
Sa aking pagkakaalam, tinik sa lalamunan nalulunasan ng sino mang suhi nang isilang; ngunit bago ninyo ako pagtawanan ibig ko sanang inyo ring tingnan hindi ba't tayo ay nabibilaukan, nahihirinan, at natitinik sa lalamunan kapag pilit nating sinusubo, nilulunok higit sa kaya nating kainin, pilit inaangkin maski hindi atin?
Pagmasdan at pagnilayan leeg at lalamunan na pinapagaling ni San Blas ang siyang bahagi sa pagitan ng ulo at katawan kaya marahil ang nalalaman ng isipan at ang nararamdaman ng puso at kalooban hindi magsalakupan dahil nababarahan ng kamunduhan leeg at lalamunan kaya katotohanan at kabutihan hindi natin masundan at mapanindigan!
Ito rin ang karanasang inilalarawan sa Banal na Kasulatan tungkol kay Haring Herodes nang kanyang mabalitaan mga himala ni Hesus sa pag-aakalang nabuhay mag-uli si Juan Bautista na kanyang pinapugatan ng ulo dahil lamang sa sumpang binitiwan; nahirinan siya sa kapangyarihan at kapalaluan, kaya di kalaunan, gumawa din ng sariling multong kinatakutan!
Bihag ng kasalanan kaya si Herodes ay naguguluhan, nalilito at hindi magawa ang kabutihan, naliligalig sa mga ginawang kabuktutan nang marinig ang Mabuting Balita ni Hesus sa tanan; ganyan din tayo kadalasan: gumagawa ng sariling multo na katatakutan nililibang sarili sa kasalanan, kunwa'y kayang lampasan pinagdaraanan.
Tinawag ni Hesus ang Labindalawa, at sinugong dala-dalawa. Binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinan: “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak.”
Marcos 6:7-9
Iyan ang bilin ng Panginoon na sinikap sundin ni San Blas na siya namang tinanggihan ni Haring Herodes at mga kagaya niya hanggang sa kasalukuyan, di alintana pagdarahop ng karamihan, nagpapasasa sa kapangyarihan at karangyaan hanggang sa mahirinan, nakalimutan na ang tunay na kayamanan ay sa Diyos lamang matatagpuan!