551 total views
Hinimok ni Baguio Bishop Victor Bendico ang mga mananampalataya na gawing inspirasyon ang mensahe ng Burning Bush sa pagdiriwang ng Season of Creation.
Ang “burning bush” ang napiling simbolo ng Season of Creation ngayong taon na hango sa apoy ng Espiritu Santo na nangangahulugang nadidinig ng Diyos ang panaghoy ng mga naghihirap.
Kaugnay nito ang temang Listen to the Voice of Creation na tinatawag ang bawat isa na tapat na tumugon, manalangin, at kumilos para sa ating nag-iisang tahanan.
Ayon kay Bishop Bendico, ang panahon ng paglikha ay paanyaya sa bawat isa na pakinggan at saksihan ang mga nagaganap na pinsala sa kapaligiran.
Tinukoy ng Obispo ang patuloy na pagpasok ng extractive industries tulad ng pagmimina at quarrying na labis na nakakapinsala sa mga kabundukan at nakakaapekto sa mga katutubong komunidad.
Sinabi ni Bishop Bendico na hindi maikakailang mayroong hanapbuhay sa pagmimina ngunit, kailangang maging responsable ng malalaking kumpanya sa kanilang operasyon at isaalang-alang ang magiging kalagayan ng kalikasan at mga tao.
“We must also remind our small-scale miners to be responsible especially with the unregulated mining operations, and the use of toxic chemicals such as cyanide and mercury that destroy the environment,” bahagi ng liham pastoral ni Bishop Bendico para sa Season of Creation.
Ibinahagi rin ng Obispo ang vegetable smuggling na nakakaapekto sa hanapbuhay ng mga lokal na magsasaka, at ang maling paggamit ng kemikal sa pagtatanim na maaari namang magdulot ng polusyon sa kalikasan at karamdaman sa mga tao.
Gayundin ang epekto ng konsumerismo at komersyalismo na sa halip na pag-unlad ay labis namang makakapinsala sa kalikasan at paghihirap ng mamamayan.
Panawagan ni Bishop Bendico na dapat isaalang-alang muna ang kahihinatnan ng mga nakararami bago maglunsad ng iba’t ibang proyektong makakaapekto sa kalikasan.
“Proper balance between economic and social developments should be tempered by environmental justice protection,” saad ni Bishop Bendico.
Dalangin naman ng Obispo na maging daan nawa ang pagdiriwang ng Season of Creation tungo sa pagkakaroon ng kamalayan hinggil sa unti-unting pagkasira ng kapaligiran at ang inisyatibong pangalagaan ang ating nag-iisang tahanan.