512 total views
Mga Kapanalig, nag-viral sa social media at naging laman din ng mga balita noong kinabukasan ng Pasko ang larawan ng sandamakmak na basura sa Rizal Park sa Luneta. Umabot sa 12 trak ang dami ng nahakot na basurang iniwan ng libu-libong nagdiwang ng Pasko sa parke. Hindi na tayo magtataka kung ganito rin karami ang basura kahapon nang salubungin natin ang Bagong Taon.
Kawalan ng disiplina ng ilan nating kababayan ang unang puna ng mga nakakita ng larawan ng mga basurang nagkalat sa Luneta. Ipinakikita rin niyon ang kapabayaan ng mga lokal na pamahalaan sa pangangasiwa ng basura at sa pagpapatupad ng batas laban sa pagkakalat.
Ngunit may mas malalim na problemang sinasalamin ang tambak na basura hindi lamang sa Luneta noong araw ng Pasko kundi sa maraming lugar sa ating bansa araw-araw. Ito ay ang tinatawag na “throwaway culture” na binigyang-pansin ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Laudato Si’.
Ang “throwaway culture”, sa madaling salita, ay ang uri ng pamumuhay kung saan halos lahat ng bagay—maging ang buhay ng tao—ay itinuturing na basurang itinatapon na lamang pagkatapos pakinabangan o kahit pa may pakinabang pa ang mga ito. Halimbawa, ang papel na mula sa mga puno ay basta-basta na lamang itinatapon kapag nagamit na. Hindi batid ng marami ang halaga ng mga halamang nagsisilbing pagkain ng mga hayop at tao, ngunit kapag ginamit na ang mga troso upang gawing papel, wala nang paraan upang maibalik sa kalikasan ang halaga ng mga halaman. Tingnan na lamang natin ang dami ng mga pambalot ng regalong ginawa, ibinenta, ginamit, at itinapon noong Kapaskuhan hanggang nitong Bagong Taon. Walang pinatunguhan ang mga iyon kundi sa mga tambakan ng basura, o kaya naman ay sinunog (na nagdudulot naman ng polusyon sa hangin) o naanod na sa mga ilog at dagat (na nakalalason naman sa mga lamang-dagat).
Lumalaganap ang kultura ng pagtatapón dahil na rin sa walang patumanggang pagbili natin ng kung anu-anong bagay. Ito ang tinatawag na extreme consumerism. Pinalalaganap ng malalaking negosyo at korporasyon ang konsumerismong ito upang patuloy silang makapagbenta ng kanilang mga produkto. Samantala, ang mga taong hindi lubusang nauunawaan ang implikasyon ng kanilang pagbili at paggastos, madaling bumibigay sa mapanuksong paglalako kahit hindi naman nila kailangan (o higit pa sa kanilang kailangan) ang mga binibili nila. Sa pagbili natin ng kung alin ang bago, uso, masarap, at sinasabing makapagpapasaya sa atin, akala natin ay nagiging mas malaya tayo. Ganito ang naging karanasan ng marami sa atin sa kabi-kabilang kasiyahang pinuntahan natin nitong mga nakalipas na araw. Marami ang hindi nagkamayaw sa pagbili ng bagong gamit, gadgets, damit, at laruan na maaaring hindi naman natin kailangan o ng taong pinagbigyan natin. Marami rin ang namilí ng pagkain na maaaring napanis at itinapon lamang dahil sobra ang mga ito.
Dagdag ni Pope Francis, ang kalagayang bunga ng “throwaway culture”, na pinalalakas ng labis na konsumerismo, ay nag-iiwan sa atin ng pakiramdam ng kawalang-katatagan (o instability) at kawalang-katiyakan (o uncertainty) sa ating buhay. Ang mga ito ang punla ng ating “collective selfishness” o palansak na pagkamakasariling nag-uudyok sa ating maging maramot sa iba at maging manhid sa hinaing ng ating kapwa, maging ng kalikasan. Ang mga ito ang una nating dapat ibasura.
Mga Kapanalig, ngayong bagong taon, maliban sa pagsisikap na maging disiplinado sa pagtatapon ng basura at sa pagkatok sa ating mga lokal na pamahalaan upang ayusin nito ang koleksyon ng basura sa ating lugar, huwag nating hayaan ang ating mga sariling malubog sa “throwaway culture” at konsumerismo. Piliin natin ang mabuti at magsimula ng pagbabago para sa kalikasan, sa ating kapwa, at sa ating mga sarili.
Sumainyo ang katotohanan.