237 total views
Mga Kapanalig, mahigit 80 katao na kinabibilangan ng mga magsasaka at ilang tagasuporta nila ang marahas na inaresto ng mga pulis sa Barangay Tinang, Concepcion, Tarlac noong ika-9 ng Hunyo sa kasong malicious mischief at illegal assembly. Naganap ito isang araw bago ang anibersaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP at kung kailan sama-samang gagawin ng mga magsasaka tinatawag nilang “bungkalan”.
Isang kooperatibang umaangkin sa mahigit 200 ektarya ng lupa sa Hacienda Tinang ang nagreklamo at naghain ng kaso laban sa mga magsasaka. Ayon sa koop, mag-aanim na taon na nilang hawak ang kaukulang certificate of land ownership award o CLOA. Tinututulan ito ng mahigit sa 200 magsasaka o agrarian reform beneficiaries (ARB) na nagsabing hawak na nila ang CLOA noong 1995 pa. Handa na nga noon ang Department of Agrarian Reform (o DAR) na italaga o i-install ang mga magsasaka sa kani-kanilang lupa nang magpetisyon ang koop na ipawalambisa ang naturang desisyon sa pag-install ng DAR sa mga magsasaka ng Tinang.
Paano nangyaring dalawang grupo ang nagsasabing hawak nila ang CLOA? Sinabi ng kooperatibang ang lupa ay napaupahan o napaarenda nila, subalit wala naman itong maipakitang mga dokumento katulad ng lease contract. Nasa 400 ang miyembro daw ang koop, ngunit natuklasang ang mayoryang nagmamay-ari ay si mayor-elect Noel Villanueva ng Tarlac. Nang nag-uusap na ang dalawang kampo upang magkaroon ng kompromiso, hindi makapagdesisyon ang mga opisyales ng kooperatiba. Kailangan pa raw tanungin ng kanilang abogado ang principal client niyang si Ginoong Villanueva.
Hangarin ng repormang agraryo na ipamahagi sa maliliit na magsasaka ang lupang matagal na nilang sinasaka at pagyamanin ito para sa ikauunlad ng buhay nila at ng kanilang pamilya. Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, ang pribadong pag-aari—katulad ng lupa—ay may panlipunang aspeto. Ibig sabihin, ito ay dapat gamitin para sa kapakanan at kaginhawaan ng nakararami, hindi lamang ng iilan.
Sa ating bansa, napakaraming kasong hindi lamang iisa ang umaangkin sa lupang napasailalim sa repormang agraryo, at karaniwang nakakaharap ng mga magsasaka sa alitan sa lupa ay ang mga maykayang tao o malalaking kompanya. Sa kaso ng Hacienda Tinang, kahit ang organisayon ng kooperatiba kung saan ang lahat ng miyembro ang silang dapat nakikinabang at hindi ng may pinakamaraming pagmamay-ari ay ginamit na rin para sa pansariling interes ng iilan.
Maganda ang layunin ng repormang agraryo ngunit sadyang may mga handang baluktutin ang matuwid na pamamaraang ito para lamang makinabang ang mga iilang nakaririwasa at manatiling mahirap ang mga nasa laylayan katulad ng ating mga magsasaka. Salungat ito sa turo ni Hesus na magpalaganap ng kabutihan sa nakararami, lalo na sa mga kapus-palad. Sabi nga sa Mateo 5:4 at 9, “Pinagpala ang mga nagdadalamhati sapagkat aaliwin sila ng Diyos… Pinagpala ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan sapagkat sila’y ituturing na mga anak ng Diyos.”
Sa mga kaso ng alitan sa lupa, napakahirap tahakin ang daan patungong kapayapaan. Ngunit patuloy pa rin ang ating simbahan sa pagsulong sa kapayapaan. Sabi nga ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti, ang tunay na kapayapaan at pagkakasundo ay makakamit sa pagbubuo ng isang lipunang nakabatay sa paglilingkod sa kapwa. Ang tunay na kapayapaan ay matatamo lamang sa ating pagsusumikap sa hustisya sa pamamagitan ng pakikipagdiyalogo, pakikipagsundo, at sa sama-samang paglago.
Bilang update, mga Kapanalig nagpiyansa at napalaya na noong isang Lunes, apat na araw mula sa kanilang pagkakaaaresto, ang mga magsasaka sa Tinang at kanilang mga taga-suportang nakulong. Nakatakda sa Biyernes ng linggong iyon ang arraignment at pre-trial conference. Subaybayan natin ang pangyayaring ito dahil salamin ang Hacienda Tinang ng malubha at malalim na hindi pagkakapantay-pantay sa ating lipunan.