452 total views
Mga Kapanalig, kagimbal-gimbal ang kinahantungan ng isang mapayapang protesta ng mga magsasaka sa Kidapawan City sa probinsya ng Cotabato nitong nakaraang Linggo.
Una nang nagtipun-tipon sa harap ng opisina ng National Food Authority o NFA ang humigit-kumulang 6,000 magsasaka mula sa North Cotabato. Kanilang ipinanawagan ang agarang tulong ng pamahalaan dahil sa lumalalang epekto ng tagtuyot sa kanilang mga taniman. Ngunit sa halip na harapin at kausapin ang mga nagbabarikada, kasama ang mga militanteng grupong sumusuporta sa kanila, puwersahan silang itinaboy ng mga pulis. Gaya ng inaasahan, tumanggi ang mga magsasakang lisanin ang lugar, hanggang sa sumiklab ang karahasan. Nagpaputok ng baril ang mga pulis. Dalawang magsasaka ang agad na binawian ng buhay—isa dahil sa tama ng bala sa kanyang leeg, habang ang isa ay tinamaan ng bato sa ulo. Labintatlo ang sugatan. Tumakbo sa compound ng isang Methodist Church ang mga tao, at doon sila ay pinalibutan ng mga pulis.
Lumabag man ang mga nagpoprotesta sa patakaran ng mga pulis o hindi, malinaw sa pangyayaring ito ang maaaring sapitin ng mga magsasaka natin dahil sa kawalan ng kabuhayan at tumitinding gutom. Ang sinapit ng mga sakahan sa bahaging iyon ng Mindanao ay dahil sa matinding init na dala ng El Niño, bagay na tinutugunan umano ng ating gobyerno.
Lumabag man sila o hindi sa batas, sila man ang nagsimula ng gulo o ang kabilang panig, karahasan po ba ang igaganti natin sa mga magsasakang nagpapakahirap para magkaroon tayo ng pagkain sa ating mga hapag?
Ang mga panlipunang turo ng ating Simbahan ay nagbibigay po sa atin ng mga prinsipyo na maaaring gamiting batayan para suriin ang mga patakaran at programa ng pamahalaan para sa sektor ng agrikultura. Ang ginawa ng mga magsasaka ng Kidapawan ay isang paraan lamang para hingiin sa gobyerno ang nararapat para sa kanila bilang mga magsasaka at bilang mga Pilipino. Ang pabayaan silang kumain ng darak, gaya ng napapabalita, at malugmok sila sa depresyon dahil sa gutom ay malalim na sugat sa kanilang dignidad bilang mga tao.
Bilang mga magsasakang nag-aambag sa ating ekonomiya at sa pagkain ng populasyon, sila ay nararapat gawaran ng tinatawag nating “commutative justice,” ibig sabihin, ang ugnayan ng mga tao sa lipunan at ang kanilang pagbabahaginan ng biyaya sa isa’t isa ay dapat na makatarungan, dapat pantay-pantay. Kaugnay nito ang tinatawag naman nating “distributive justice,” kung saan ang mga benepisyo sa ating lipunan ay dapat na nakararating sa lahat, kasama ang mga dukha. Samantala, ang “social justice” naman ay tungkol sa pagbibigay ng pagkakataon sa lahat na paunlarin ang kanilang mga sarili at lipunang ginagalawan.
Ang United States Conference of Catholic Bishops of USCCB ay naghain ng mga gabay upang masuri natin kung ang mga umiiral na patakaran at ipinatutupad na mga programa para sa mga magsasaka at sa sektor ng agrikultura ay sumasang-ayon sa mga prinsipyong nabanggit. Halimbawa, maaari nating itanong: Nakatutulong ba ang mga patakarang ito para matugunan ang kagutuman at kahirapan lalo na sa kanayunan? Nagagawa ba ng mga itong bigyan ng sapat at disenteng buhay ang mga magsasaka at ang kanilang mga pamilya? Ang mga pinatutungkulan ba ng mga programa ng pamahalaan ay nabibigyan ng tunay na pagkakataon para linangin ang kanilang mga sarili at iangat ang kanilang kalagayan sa buhay?
Kung ang tugon ng pamahalaan sa mga hinaing ng mga magsasaka—lumabag man sila o hindi sa batas habang nagpoprotesta—ay karasahan, gaya ng nangyari sa Kidapawan, wala tayong maasahang malinaw na tugon sa mga tanong natin kanina. Nakalulungkot na ang gutom at kahirapan—hindi lamang sa Kidapawan kundi sa ating bansa—ay maaaring mauwi sa walang saysay na pagkamatay.
Sumainyo ang katotohanan.