943 total views
Mga Kapanalig, may kapansin-pansing katangian ang kaliwa’t kanang protesta laban sa paglibing sa dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Ito ay ang batang edad ng mga tumututol.
Ngunit, ang kanilang kabataan rin ang madalas ipamukha sa kanila ng mga kritiko. Sa social media, may mga nagtatanong: “Bakit kayo nagpoprotesta? Nandoon ba kayo noong panahon ni Marcos? Malay ‘nyo kung ano’ng nangyari noon?”
Ang sagot ng mga kabataang nagpoprotesta: “Bakit kayo nagdiriwang ng Pasko? Nandoon ba kayo sa Bethlehem noong isinilang si Hesus? Malay ‘nyo kung ano’ng nangyari noon?”
Simple ang mensahe ng mga kabataang sumali sa mga protesta: Upang hatulan ang nangyari noong diktadura, hindi kailangang naroon ka mismo. Upang masabi mong hindi bayani si Marcos, hindi kailangang nasaksihan mo mismo ang pagpapahirap at pagpatay sa mga aktibista at taong-Simbahan, ang pagnanakaw mula sa kabang yaman ng bayan, ang pagbagsak ng ekonomiya, at malawakang gutom na naranasan ng maraming Pilipino noon. Ang kailangan ay kaalaman mula sa pagbabasa at pakikinig; kakayahang magnilay ayon sa mga batayan ng tama at mali; at kakayahang magmalasakit sa mga nakaranas ng hirap sa panahong iyon.
Sa halip na pagsabihan ang kabataang huwag makialam, hinihingi ng Simbahan na higit na alamin ng mga kabataan ang katotohanan at makisangkot sila sa pagpanday ng lipunang nagpapahalaga sa katotohanan. Sa kaniyang pahayag sa mga kabataan noong World Youth Day noong Hulyo 2016, sinabi ni Papa Francisco: “The times we live in do not call for young ‘couch potatoes’ but for young people with shoes, or better, boots laced…. Today’s world demands that you be a protagonist of history because life is always beautiful when we choose to live it fully, when we choose to leave a mark. History today calls us to defend our dignity and not to let others decide our future.”
Sa wikang Filipino, ganito ang pahayag ni Pope Francis: “Ang tawag ng kapanahunan natin ay hindi para sa kabataang nakahilata sa sofa, kundi para sa kabataang nakatali ang sapatos at bota para sa paglalakbay…. Hinihingi ng kasalukuyang mundo na kumilos kayo sa kasaysayan, sapagkat laging maganda ang buhay kapag pinipili nating mabuhay nang ganap, kapag pinipili nating mag-iwan ng bakas. Hinahamon tayo ngayon ng kasaysayan na ipagtanggol ang ating dignidad at huwag hayaang iba ang magpasiya tungkol sa ating hinaharap.”
Mga Kapanalig, nais kong isiping ang kabataang tumututol sa paglilibing ng dating pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani ay hindi tumututol para lamang makiuso. Tumututol sila upang ipagtanggol ang dignidad ng mga napahamak ng diktadura. Tumututol sila upang ipagtanggol ang sariling dignidad. Hindi sila sumasang-ayon sa panawagang ipaubaya sa iisang tao, gaya ng Pangulo, ang lahat ng pagpapasiya kung ano ang nakabubuti.
Sa paligid ng ating kabataan, nagbabadya ang isang bagong awtoritaryanismo. Nariyan ang pagpaslang sa mahihirap bilang solusyon daw sa suliranin ng masamang droga at krimen; ang pagwawalang-halaga ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga prinsipyo ng demokrasya tulad ng “due process,” “rule of law,” at karapatang pantao; ang malimit na bantang suspindihin ang writ of habeas corpus o ideklara ang batas military; ang pagtangkang patahimikin ang oposisyon sa pamamagitan ng mapanirang pananalita.
“Move on,” ang payo ng mga kritiko sa kabataang tumututol sa libing ni Marcos. Dapat nga silang mag-“move on”—ngunit hindi sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kasalanang hindi pinagsisisihan, o sa pamamagitan ng pagsupil ng sariling tinig para mapairal ang huwad na pambansang pagkakaisa. Ang dapat na kahulugan ng “move on” ay palawakin ang pagkilos upang maipagtanggol ang demokratikong prinsipyo at institusyon ng ating bansa.
Mga kabataan, ayon sa Santo Papa, tinatawag kayo ni Hesus, na siyang daan, katotohanan, at buhay, na mag-iwan ng bakas sa kasaysayan. Sa tulong ni Hesus, maipaglaban nawa ninyo ang inyong dignidad at dignidad ng lahat.
Sumainyo ang katotohanan.