224 total views
Mga Kapanalig, sa wakas, makalipas ang halos limang taon, natuldukan na ang electoral protest ng anak ng diktador at dating senador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. laban kay Vice President Maria Leonor “Leni” Robredo. Inilibas ng Korte Suprema na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (o PET) ang kanilang unanimous na desisyon noong isang linggo. Sa kabila nito, iginigiit pa rin ng kampo ni Ginoong Marcos na hindi pa tuluyang ibinabasura ang kaso dahil hindi pa raw tinutugunan ng PET ang third cause of action ng kanilang protesta kung saan nais nilang ipawalambisa ang mga boto mula sa ilang probinsya sa Mindanao. Agad naman itong binigyang linaw ng PET at muling nag-labas ng pahayag na “the protest was dismissed.”
“Move on!” Ito ang panawagan ng mga tagasuporta ni VP Leni, ilang kaalyadong mambabatas, at civil society groups. Sa loob ng mahigit apat na taon o isang taon na lamang bago matapos ang termino ng posisyong pilit inaagaw ni Ginoong Marcos, mahaba na ang prosesong pinagdaanan ng lahat ng kampo at ng taumbayang sumusubaybay sa kasong ito.
Noong 2017, una nang nanindigan ang PET sa integridad ng 2016 elections. Noong 2019, natapos ang recount na bahagi ng second cause of action ng protesta ni Ginoong Marcos, at sa pilot recount mula sa mga probinsyang pinili niya mismo, naitalang panalo ang nakalabang si VP Leni na lumaki pa nga ang lamáng. Noong isang taon, hinangad ng kampo ni Ginoong Marcos, sa tulong pa ni Solicitor General Jose Calida, na ipatanggal si Justice Marivic Leonen sa PET. Tumatayong chief legal counsel ng mga Marcos si SolGen Calida sa kabila ng tungkuling kanyang hinahawakan bilang abogado ng pamahalaan. Hindi pinahintulutan ng mga mahistrado ang pagpapatanggal kay Justice Leonen na siyang nagunguna sa pagdinig sa kaso. At noong isang linggo nga, tuluyan nang ibinasura ng PET ang buong protesta.
Ikinatuwa ng kampo ni VP Leni ang naging desisyon ng PET. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, hinihintay pa rin ng kampo ni Ginoong Marcos ang opisyal na kopya ng desisyon at umaasang hindi pa tapos ang laban. Kasabay nito, inamin ng tagapagsalita ni Ginoong Marcos na muling tatakbo ang dating senador sa eleksyon sa 2022 ngunit hindi pa nila ibinunyag kung sa anong posisyon. Nang tanungin naman si VP Leni sa kanyang plano sa paparating na eleksyon, nanamnamin daw muna niya ang posisyong limang taon niyang ipinaglaban, at tututok muna sa mga kasalukuyang suliranin ng bansa.
Ipinaaalala sa atin ng panlipunang turo ng Simbahan ang kahalagahan ng eleksyon bilang paraan upang masiguro ang pagpapanagot o accountability ng taumbayan sa mga opisyal ng pamahalaan. Ang isang malaya at malinis na eleksyon ay mahalagang bahagi ng kasunduan ng taumbayan at mga lingkod-bayan. Nagsisilbi itong hiring process kung saan pumipili o pinapalitan ng taumbayan ang kanilang mga manggagawang sisigurong naitatataguyod ang kabutihang panlahat o common good.
Kaya naman, magandang balita na sa wakas ay natuldukan na ang halos limang taong pagkuwestyon sa pagkapanalo ng ating bise-presidente. Mainam nga sana kung mas mabilis na natatapos ang protestang katulad nito at hindi na umaabot pa ng maraming taon. Ang kasiguruhang malinis na nakamit ang posisyong pinaghahawakan ng mga nanunungkulan ay mahalaga sa pagkakaroon natin ng matatag na mga institusyon. Dagdag pa rito, malakas na kampanya laban sa pandaraya ang katiyakang epektibo at mabilis na matutugunan ang mga protestang may kinalaman sa eleksyon.
Mga Kapanalig, tulad ng sinasabi sa Juan 8:31, “katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Sa huli, ang totoong desisyon ng taumbayan ang nanaig. Nawa’y maging bukás na ang lahat ng kampo sa pagtanggap sa naging desisyon ng PET, at maging umpisa na ito ng paghihilom at pagkakaisa.