180 total views
Ang remittances ay nagbibigay buhay hindi lamang sa maraming pamilyang Filipino, kundi sa ekonomiya ng ating bayan.
Habang nasasaid ang kaban ng bayan, mapalad pa rin tayo dahil kahit pa ramdam pa rin ang pandemya sa malaking bahagi ng mundo, marami pa ring mga OFWs ang matibay – patuloy sa pag-trabaho at pagpapadala ng ayuda sa mga kaanak sa bansa.
Noong unang bahagi ng pandemiya, tila walang katiyakan ang sitwasyon ng maraming manggagawa natin sa ibang bansa. Ayon nga sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE), mahigit kumulang 400,000 na OFWs ang inuwi ng pamahalaan dahil sa pandemya. Marami sa kanila, walang trabahong naasahan dito, kaya’t nadagdag pa sila sa bilang ng mga unemployed.
Ang pangyayaring ito ay nagpapakita ng ating maigting na pangangailangan sa paghahanda. Ang exodus ng OFWs mula sa kanilang pinanggalingang bansa ay malaking suliranin sa kanilang mga pamilya at sa buong bayan. Ayon nga sa isang pag-aaral ng International Organization for Migration (IOM), pinakita ng pag-uwi ng libo-libong OFWs nitong panahon ng pandemya ang ating pangangailangan para sa whole-of-nation approach.
Hindi lamang trabaho ang naging problema ng mga nagsi-uwiang OFWs. Marami sa kanila, nastranded pa ng matagal sa mga pantalan, sa mga hotel, at sa iba pang lugar. Ang pangyayaring itong ay dapat maging leksyon sa ating lahat: hindi lamang national government ang dapat mangalaga sa mga OFWs, dapat tayong lahat. Lalo na kung hindi kaya ng estado.
Malaki ang ating utang na loob sa mga bayaning ito. Bagamat marami sa kanila ang nagambala ang trabaho, marami rin ang nagpatuloy at naging panangga natin sa lubhang kahirapan ng bayan. Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, umakyat ng 2.5% ang remittances ng mga OFWs nitong Disyembre 2020. Mula $2.969 billion noong 2019, naging $3.044 billion ito. Sa pagbagsak ng ating ekonomiya, ang mga OFWs ang nagpupumilit itayo muli ito.
Kaya’t sana, hindi lamang lip-service ang ating iaalay sa kanilang hanay. Kailangan nating maglatag ng mas malawakang reintegration programs para sa mga kababayan nating kailangan at nais ng umuwi ng bayan. Kailangang buhayin natin muli ang ekonomiya upang mas marami ng oportunidad na maghihintay sa kanila dito sa ating bayan.
Kapanalig, ang halaga ng remittances ay hindi lamang salapi; katumbas ito ng lubos na pagmamahal at pagsasakripisyo ng mga OFWs para sa kanilang mga kaanak at para sa bayan. Wika nga sa Ingles: priceless. Ayon sa Deus Caritas Est: Walang kaayusan sa lipunan kung walang ganitong uri ng serbisyo, ang sersbiyo ng pagmamahal. Huwag naman sana natin sayangin ang kanilang sakripisyo.
Sumainyo ang Katotohanan.