268 total views
Mga Kapanalig, sa krisis raw lumilitaw ang kabayanihan nating mga Pilipino.
May kabayanihang ipinamamalas ang maraming nadamay at dumaramay sa kasalukuyang krisis sa Marawi. Naroon ang mga Muslim na kumupkop sa mga Kristiyano at tinulungan silang makatakas. Naroon ang mga Muslim at Kristiyanong nagsasanib-pwersa upang maghatid ng pagkain, damit, at ibang pangangailangan sa mga bakwit. Naroon ang mga sundalo nating gumagalang sa batas at karapatang pantao habang ipinagtatanggol ang taumbayan. Naroon ang mga nananawagang itigil ang mga airstrike na nakapipinsala sa lungsod at mamamayan ng Marawi, kahit batikusin sila at siraang-puri ng mga nagbabansag sa kanilang maka-terorista. Naroon ang apat na babaeng taga-Marawi na nagsampa sa Korte Suprema ng petisyong kumukuwestiyon sa kasapatan ng dahilan ng pagsasailalim sa batas militar ng buong Mindanao. Sa gitna ng pag-aalala sa kanilang pamilya at lungsod, nagawa nilang alalahaning huwag magamit na dahilan ang krisis sa Marawi upang ibalik ang maladiktadurang pamamalakad ng pamahalaan. Mga bayani silang lahat.
Ngunit, mga Kapanalig, sa krisis rin lumilitaw ang kumikilos ayon sa masasamang hangarin. Hindi lamang mga terorista ang mga huwad na bayani.
Naroon ang pulis at sundalong diumano’y pumapasok nang walang warrant sa bahay-bahay at sinisira, kung hindi ninanakawan, ang mga ito, ayon na rin sa reklamo ng Integrated Bar of the Philippines sa Lanao del Sur. Hindi po pinahihintulutan ng batas militar ang ganitong pang-aabuso.
Naroon ang nanggagatong sa galit laban sa mga Muslim—halimbawa, sa pagkakalat ng video na nagpapakitang winawasak ng mga kasapi ng Maute group ang katedral ng Marawi, lalo pa kung may kasama itong maaanghang na komento. Kahit hindi fake news ang video na ito, propaganda naman ito ng Maute at ISIS. Hindi kabayanihan ang pagkakalat nito, kundi pakikipagkutsaba sa kalaban upang lalo silang katakutan.
Naroon ang nagsasabing dapat lang na magdusa ang mga taga-Marawi dahil kinupkop nila o pinamihasa ang Maute group. Mayroon ding naninira o nagbabanta sa mga tumutulong o nagtatanggol sa mga taga-Marawi. Halimbawa, isang nag-aastang bayani ang nag-post sa Facebook na pinakamimithi niyang makitang gahasain ng Maute ang isang senadorang nanawagan sa pagtigil ng airstrike. Kabayanihan kaya ang ganyang pananalita?
Naroon ang nagnanais samantalahin ang krisis sa Marawi upang maibalik ang diktadura sa buong Pilipinas. Ito ang mga nagsasabing maaaring gawin ngayon ng mga sundalo ang lahat ng ginawa sa rehimeng Marcos. Mabuti na lamang at may mga pananggalang ang ating Saligang Batas laban sa paggamit ng batas militar upang manumbalik ang diktadura.
Mga Kapanalig, maaaring maging batayan ng kabayanihan ang ilang prinsipyong panlipunan ng Simbahang Katoliko.
Una, karapatang pantao at pakikiisa sa kapwa. Kung nakasisira tayo sa dangal ng tao at nagkakalat ng pagkapoot sa mga Muslim, hindi iyan kabayanihan.
Pangalawa, katarungang panlipunan. Kung pinapalakpakan natin ang mga solusyong nagpapahirap sa mga Muslim para sa kasalanan ng iilan, hindi iyan kabayanihan.
Pangatlo, kapayapaan at pagtanggi sa karahasan. Kung sinusuportahan natin ang karahasan bilang tanging sagot sa karahasan, hindi iyan kabayanihan.
Pang-apat, pagpapalakas sa demokratikong kapangyarihan ng taumbayan. Kung sinusuportahan natin ang mga solusyong nakapagpapahina rito, hindi iyan kabayanihan.
Mga Kapanalig, itatwa natin ang huwad na kabayanihan. Tulungan at ipagtanggol natin ang nagdurusa, anuman ang kanilang relihiyon. Suportahan natin ang makatarungang solusyong lulutas sa ugat ng hidwaan—halimbawa, isang komprehensibong batas para sa pakikilahok at pag-unlad ng mga kapatid nating Muslim. Lumikha tayo ng solusyong nakasalalay hindi sa karahasan kundi sa pakikipagkapwa. Tangkilikin natin ang solusyong nakapagpapalakas sa halip na nakapagpapahina sa kapangyarihan ng taumbayan. Maging mapagmatyag tayo laban sa nagnanais gamitin ang kasaluyang krisis upang maisulong ang makadiktadurang adyenda.
Ipagdasal natin ang ating sambayanan, upang lumitaw sa krisis na ito ang tunay na kabayanihan.
Sumainyo ang katotohanan.