262 total views
Kapanalig, ang ating bansa ngayon ay nasa gitna ng masidhing kalituhan at gulo. Kabi-kabila ang patayan at bangayan. Tila kahit saan ka magpunta, hahabulin ka pa rin ng nakaka-dismayang mga balita ukol sa politika at maging sa kabuuan ng ating lipunan.
Ang nakakalungkot dito kapanalig, habang umuulan ng mura sa sa broadcast at social media, marami sa ating mga kababayan ang hindi man lang mabulalas ang salitang “saklolo” dahil sa kahirapan. Base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang subsistence incidence sa ating mga Filipino o ang proporsyon sa ating kabuuang populasyon ng mga Filipino na ni pagkain ay hindi makayang bilhinn ay 12.1 percent sa unang anim na buwan ng 2015. Kahit pa tumaas na ito sa datos noong 2012 mula 13.4 percent, marami pa rin ito. Katumbas ito ng 12.1 milyong Filipino namumuhay na gapos ng extreme poverty. Noong unang anim na buwan ng 2015, ang isang pamilyang may limang miyembro ay kailangan ng P6,365 kada buwan upang makabili ng pagkain, pagkain lamang at wala ng iba, upang mabuhay.
Ayon pa rin sa PSA, noong nakaraang January 2015, ang poverty incidence sa ating bansa ay nasa 26.3 percent. Mas mababa ito kaysa noong January 2012, kung saan ang poverty incidence ay 27.9 percent. Ang poverty incidence, kapanalig, ay proporsyon naman sa kabuuan ng ating populasyon ng mga Filipinong nabubuhay sa ilalim ng poverty threshold. Noong unang anim na buwan ng 2015, kailangan ng isang pamilyang Pilipino ng P9,140 kada buwan upang makabili ito ng pagkain para sa araw araw at ng iba pa niyang kailangan upang mamuhay ng marangal.
Milyong milyong Pilipino, kapanalig, ang namumuhay sa karalitaan. Milyong milyong Pilipino ang hirap makamit kahit pagkain man lang sa araw araw. Hindi ba’t sila rin ay dapat pag-ukulan natin ng pansin?
Kapanalig, ang kahirapan ay isang bukas na pintuan para sa kaliwa’t kanang uri ng temptasyon at krimen, kasama na ang droga. Makikita natin ito sa sitwasyon ng mga batang lansangan, na napipilitang manatili sa kalye upang magtrabaho o di kaya lumayas sa bahay dahil sa kaguluhan o gutom, na bunga din ng kahirapan. Kung hindi matutulunagan ang maralitang pamilyang Pilipino, ang siklo ng kahirapan ay iikot lamang sa papalit palit na henerasyon.
Buksan natin ang ating mga mata. Ang kahirapan ay isa mga pangunahing rason ng tahi-tahing problema ng ating lipunan ngayon. Ang kahirapan ay ginagapos ang pamilyang Pilipino at nagnanakaw ng ating kalayaang makagawa ng maayos at matalinong desisyon para sa ating sariling buhay at para sa ating pamilya. Kahirapan ang ating tunay na kalaban.
Kapanalig, ang ating lipunan ay inaanyayahan ng Panlipuang turo ng Simbahan na bigyan ng pokus ang maralitang Pilipino. Ang preferential option for the poor, isa sa prinsipyo ng ating pananalig, ay isang hamong malakas na umaalingawngaw sa ating bayan ngayon. Pakinggan natin ito. Ayon nga kay dating Pope Benedict, sa kanyang Deus Caritas Est: Sa isang lipunang nagsasabi na ito’y nananalig sa Diyos, walang puwang ang karalitaan na nagnanakaw sa tao ng karapatan niyang mamuhay ng marangal at may dignidad.