776 total views
Ito ang mensahe ni Balanga Bishop Rufino Sescon Jr., sa kanyang episcopal ordination na ginanap sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception nitong February 25 kasabay ng 39th EDSA People Power Anniversary. “I pray that we may never forget that to be a good Christian, a good priest, a good bishop, is also to give ourselves to become a good citizen. Ang tunay na makadyos ay makabayan din,” bahagi ng mensahe ni Bishop Sescon.
Pinasalamatan ng bagong obispo ang Panginoon sa biyaya ng buhay ni dating Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin na isa sa mga mukha ng rebolusyon nang manawagan sa mamamayan sa pamamagitan ng Radio Veritas na magtungo sa EDSA.
Kinilala rin ng obispo ang mga bayani ng bloodless revolution na nagwakas sa dalawang dekadang diktadurang pamamahala ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., lalo na ang pamilya ni dating Pangulong Corazon Aquino na naghubog sa pagiging pari ng obispo. Pinangunahan ni Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang ordinasyon ni Bishop Sescon kasama sina Cubao Bishop Emeritus Honesto Ongtioco at Antipolo Bishop Ruperto Santos na pawang naging pastol ng Bataan. Matatandaang pawang naging secretary ni Cardinal Sin sina Bishop Sescon at Archbishop Villegas na naging kauna-unahang rector din ng EDSA Shrine nang maitatag noong 1989.
Binigyang diin ng obispo na sa pamamagitan ng mga panalangin ay nanaig ang katarungan at kapayapaan sa lipunan kaya’t ang mapayapang rebolusyon ay hindi lamang saping pampulitika kundi ng pananampalataya ng mamamayan.
“When genuine faith, patriotism, selflessness, common good, unity, genuine unity pervades among us against tyranny, dishonesty, corruption and injustice, miracles will happen. There is grace upon grace. There is unending grace,” ani Bishop Sescon.
Samantala sinabi rin ni Bishop Sescon na babaunin nito sa Bataan ang debosyon sa Jesus Nazareno na kanyang natutuhan sa maiksing panahong paninilbihan sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno bilang rector at kura paroko. Ibabahagi nito sa mananampalataya ang diwa ng pag-ibig ng Diyos bilang gabay sa kanyang pagpapastol sa mahigit kalahating milyong kawan ng Bataan.
“Ang Jesus Nazareno ang mukha ng grasya para sa sambayang Pilipino. Siya ang nagpakita sa atin kung papaano ang Diyos hindi nakakalimot, buo magmahal, puspos kung magmalasakit, at nag-uumapaw kapag nagbibigay ng sarili. At iyon din po ang aking abang dasal na sa aking pagiging obispo maging larawan at daluyan ako ng grasya ng Diyos sa aking kawan, gaya ng kataas-taasang pari at ating tunay na pastol ang mahal na Poong Jesus Nazareno,” giit ni Bishop Sescon. Dumalo sa ordinasyon ang mahigit 50 mga obispo mula sa iba’t ibang diyosesis sa bansa habang nagbigay ng pagninilay si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula gayundin ang daang-daang pari ng Diocese of Balanga, Archdiocese of Manila at iba pang mga diyosesis sa bansa.
Sa March 1 nakatakda ang pagluluklok kay Bishop Sescon sa alas nuwebe ng umaga sa Cathedral Shrine and Parish of St. Joseph sa Balanga Bataan