632 total views
Mga Kapanalig, maituturing nang krisis ang kakulangan ng murang bigas sa bansa. Nagsimula ito noong nakaraang taon pa, matapos aminin ng National Food Authority o NFA na limitado na ang imbentaryo nito ng bigas na binibili mula sa ating mga magsasaka. Kaya naman inatasan noon ni Pangulong Duterte ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na tulungan ang mga magsasakang palakihin ang kanilang produksyon.
Mukhang hindi naging sapat ang tulong nakarating sa mga magsasaka kaya’t humantong tayo sa kasalukuyang krisis sa bigas. Gayunman, sa kabila ng malinaw na kakulangan ng suplay ng bigas na sanhi ng pagtaas ng presyo nito sa pamilihan, iginiit ni Agriculture Secretary Manny Piñol na labis-labis pa ang stock ng bigas sa bansa nitong unang tatlong buwan ng kasalukuyang taon.
Isa sa mga dahilan kung bakit hindi nakakukuha ang NFA ng sapat na suplay ng bigas mula sa ating mga magsasaka ay ang napakababang presyong iniaalok ng ahensya. Sino ba namang magsasaka ang gaganahang magbenta sa gobyerno kung 17 piso lamang kada kilo ang bili sa kanyang pinaghirapang itanim at anihin? Kaya’t mas praktikal sa mga magsasakang ipagbili ang kanilang bigas sa mga pribadong negosyanteng nag-aalok na bilhin ang bigas sa presyong mas mataas nang hanggang limang piso kada kilo; maliit pa rin iyon kung tutuusin. Samantala, maraming negosyanteng hindi inilalabas sa pamilihan ang kanilang stock dahil hinihintay nilang umabot ang presyo ng bigas sa halagang kikita sila nang mas malaki. Sa ganitong kalakaran, panalung-panalo ang mga negosyanteng hindi man lang nagbanat ng buto; talung-talo naman ang ating mga magsasakang nagkanda-kuba na sa pagtatanim at pag-aani.
Iba pang isyu ang pag-import o pag-angkat ng bigas ng pamahalaan upang tumaas ang supply, na makapagpapababa naman ng presyo nito. Hindi kasi magkasundo ang direktor at konseho ng NFA kung paano tayo aangkat ng bigas, at humantong ito sa puntong ipinabubuwag na ng pangulo ang konseho, mapabilis lamang ang pag-angkat ng bigas. Nais naman ng ilang mambabatas na magbitiw sa puwesto ang direktor at buong pamunuan ng NFA. Masusolusyonan kaya ng pagbibitiw ng mga ito ang problema natin sa bigas? Sa halip na pagbitiwin, marapat munang papanagutin sila sa pagkaubos ng pondo ng NFA dahil, ayon na rin sa ulat ng Commission on Audit, inuna ng pamunuan ng NFA na bayaran ang mga utang nito sa halip na bumili ng bigas at ayusin ang mga bodega nito sa mga probinsya upang hindi masira ng peste o bukbok ang mga naka-stock na bigas.
Habang nagbabangayan ang mga taong-gobyerno at patuloy ang kasakiman ng mga negosyante, nagdurusa ang maliliit na magsasaka at mga ordinaryong mamimili. Sa kaso ng mga magsasaka, bukod sa binabarat sila sa presyo ng bigas, hindi sila nakatatanggap ng sapat na tulong mula pamahalaan upang palaguin ang produksyon ng bigas, gaya ng irigasyon, mga binhi at pataba, maayos na imprastraktura, at abot-kayang pautang para sa puhunan.
Sa kaso naman ng mga mamimili, hindi na nila malaman kung paanong paghihigpit pa ng sinturon ang kailangan nilang gawin upang makabili ng bigas na maisasaing. Nitong nakaraang linggo lamang, umabot sa hanggang 80 piso kada kilo ang presyo ng bigas sa Zamboanga at Basilan! Magkaroon man ng mas murang NFA rice sa mga palengke, limitado lamang sa ilang kilo ang maaaring bilhin ng bawat mamimili. Mahaba rin ang pila sa mga bilihan ng NFA rice dahil ito na lamang ang pasók sa badyet ng mga mahihirap.
Mga Kapanalig, sinasalamin ng krisis sa bigas ang hindi makatarungang pagbabahaginan natin ng biyayang kaloob sa ating ng Diyos. Ipinakikita rin nito ang pagsasantabi sa mga dukha na biktima ng pananamantala ng mga sakim na negosyante at ng kapabayaan ng pamahalaan. Malalampasan natin ang krisis na ito kung kikilos ang pamahalaan sa lalong madaling panahon.
Sumainyo ang katotohanan.